BOC OFFICIALS IPATATAWAG SA PAGDINIG NG KAMARA SA ISYU NG SMUGGLING

IPATATAWAG ng komite sa Kamara ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng reklamong pagtaas ng insidente ng tobacco smuggling.

Padadalhan ng imbitasyon ng House Committee on Ways and Means si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno at iba pang BOC officials sa sandaling magsimula ang pagdinig ng komite para talakayin ang large-scale tobacco smuggling at epekto nito sa public health at national revenues.

Ayon kay Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo bukod kay Nepomuceno, iimbitahan din ang mga Deputy Commissioner na sina: Romeo Allan Rosales (Intelligence Group), Nolasco Bathan (Enforcement), Agaton Teodoro O. Uvero (Assessment and Operations Coordinating Group), Revsee Escobedo (Management Information Systems and Technology Group), Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla (Post Clearance Audit Group), Port of Manila District Collector Alexander Gerard Alviar, Port of Batangas District Collector Carmelita Talusan, at Manila International Container Port District Collector Rizalino Jose Torralba.

Inihain ni Quimbo ang House Resolution No. 636 na layong magkasa ng congressional probe sa pagkakakumpiska ng PNP sa Batangas at Malabon ng 2.6 billion pesos na halaga ng puslit na sigarilyo na nakita sa 32 trucks.

Sa panig ng BOC, iniutos na rin ni Nepomuceno ang imbestigasyon sa paglala ng smuggling kasunod ng mga ulat na pagkakasangkot umano ng ilang opisyal ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Sinibak na rin sa pwesto ang hepe ng CIIS sa Port of Manila na si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen.

Kabilang si Pacunayen at si CIIS Director Thomas Narcise sa mga opisyal ng BOC na nabanggit sa ipinadalang liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng concerned customs officials, employees at stakeholders noong December 11.

Sa nasabing liham, isang customs broker din ang tinukoy na una nang nabanggit sa Senate report bilang major agricultural smuggler na nag-ooperate sa Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.

Ang Port of Manila umano ang nagsisilbing focal point for the entry ng mga ipinagbabawal at undeclared goods gaya ng agricultural products, counterfeit items, sigarilyo, motor vehicles, vape products, at iba pa.

Ayon kay Quimbo, sinabi ng PNP Highway Patrol Group na ang organisadong cigarette smuggling ay seryosong problema sa bansa na nangangailangan ng agarang pagtugon.

Sinabi ni Quimbo na na ang mga nakumpiskang kontrabando ay mayroong katumbas na 875.16 million pesos na tax revenues na dapat sana ay mapupunta sa kaban ng bayan.

Ayon pa sa mambabatas, aabot sa tinatayang 25.5 billion pesos na excise taxes due ang nawala sa bansa noong 2023 dahil sa mga puslit na sigarilyo.

Kabilang sa iimbestigahan sa pagdinig ng Kamara ang kasalukuyang enforcement systems, coordination ng mga ahensya ng pamahalaan at mga parusang ipinapataw sa mga lumalabag.

1

Related posts

Leave a Comment