NAG-ALOK ng P10 milyong reward money ang Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon o magtuturo sa ikaaaresto ng online gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang, na itinuturing na most wanted fugitive ng kagawaran.
Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na handa ang DILG na magbigay ng naturang pabuya para sa impormasyong magreresulta sa pag-aresto kay Ang, na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa kidnapping ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Remulla, layunin ng reward money na mapabilis ang pag-aresto kay Ang o mapuwersa itong kusang sumuko. Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na batay sa monitoring ng pamahalaan, nananatili pa rin sa Pilipinas si Ang, partikular sa rehiyon ng Luzon.
Itinuturing din umano ng DILG chief na “armed and dangerous” si Ang, bunsod ng mga alegasyong sangkot ito sa pagpatay ng mahigit isang daang katao at dahil sa dami ng mga armadong bodyguard na kasama nito.
Dagdag pa ni Remulla, handa ang mga awtoridad sa anumang posibleng mangyari sakaling manlaban si Ang sa oras ng kanyang pag-aresto.
Samantala, ayon kay PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., mas pinalawak na ang koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Bureau of Immigration bilang bahagi ng pinaigting na manhunt laban kay Ang.
Si Ang ay kabilang sa 18 indibidwal na may warrant of arrest kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Ayon sa PNP, nahaharap siya sa 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang iba pang 17 akusado sa naturang kaso.
Itinuturing Nang Pugante
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na itinuturing nang pugante o fugitive from justice ang negosyanteng si Atong Ang matapos itong isyuhan ng warrant of arrest ngunit hindi pa rin naaaresto kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Fadullon, ang pagkabigong maaresto si Ang ay hindi nangangahulugang hindi umuusad ang kaso. Aniya, 17 sa mga akusado ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad at handa nang litisin.
Iginiit din ni Fadullon na maaaring igiit ng kampo ni Ang na premature o legally questionable ang warrant of arrest, subalit binigyang-diin niyang hindi lamang impormasyon kundi pati mga dokumento ang masusing sinuri ng hukom bago ito maglabas ng warrant, kaya may sapat itong legal na batayan.
Dagdag pa niya, bagama’t maaaring maghain ng motion to quash bago ang arraignment, hindi maaaring aksyunan ng korte ang anomang affirmative relief mula sa kampo ni Ang hangga’t hindi pa ito naaaresto, dahil wala pang hurisdiksyon ang hukuman sa akusado.
Sa pinakahuling impormasyon ng Department of Justice (DOJ), nasa Pilipinas pa rin si Ang at wala pang record na siya ay umalis ng bansa.
(VERLIN RUIZ/JULIET PACOT)
3
