KAMAKAILAN ay inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagpapatigil sa patingi-tinging pagkukumpuni ng mga kalsada. Sa halip, itutulak na raw ang isang comprehensive master plan katuwang ang mga Japanese consultant.
Sa wakas, kinilala rin ng kagawaran ang matagal nang alam ng publiko: hindi sapat ang simpleng pagtapal ng aspalto para maresolba ang problema sa kalsada ng bansa. Hindi na bago ang solusyong ito dahil alam na ito noon pa, ngunit ngayon lamang muling binibigyang-diin.
Inilahad ni Sec. Dizon ang plano sa pag-iinspeksyon sa Camarines Sur at Quezon kamakailan. Agad naman itong sinuportahan ni Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte, na matagal nang tumatanggap ng reklamo mula sa mga Bicolanong araw-araw na hirap sa biyahe.
Ngunit sa usapin ng road slipping at tibay ng mga highway, malinaw na hindi na ito bagong konsepto. Matagal na itong napatunayan sa Sorsogon noong panahon ng pamumuno ng dating gobernador at kasalukuyang senador na si Chiz Escudero.
Sa Sorsogon, simple at malinaw ang prinsipyo. Hindi patse-patse, hindi minamadali, at hindi bara-bara. Bawat proyekto ay pinag-aaralan at siniseryoso. Sa tulong ng tamang teknolohiya at mga eksperto, napatunayan na posible ang matibay at pangmatagalang imprastruktura, kung may sapat na political will.
Kaya ang pagbibigay-diin nina Sec. Dizon at Gov. Villafuerte sa karanasan ng Sorsogon ay hindi basta papuri. Isa itong pagkilalang ang pamantayang ipinatupad noon ay puwedeng gawing modelo sa buong bansa at kayang makipagsabayan sa international standards.
Kaya ang tanong: bakit hindi ito agad ginawa sa iba’t ibang panig ng bansa? Kung nagawa ito sa Sorsogon, malinaw na hindi imposible ang ganitong sistema. Ang kailangan lang ay mga lider na handang makinig sa eksperto at maging maingat sa paggastos ng pera ng bayan.
Sa rehabilitasyon ng Maharlika Highway, sana’y magsilbing gabay ang aral ng Sorsogon. Hindi lang dapat kalsada ang inaayos, kundi ang kulturang pumapayag sa mababang kalidad. Dahil malinaw na kapag tama ang proseso, nagtatagal ang resulta.
58
