MAGSASAGAWA ng public hearing ngayong araw (Biyernes, Enero 23) ang National Telecommunications Commission (NTC) tungkol sa panukalang memorandum circular na siyang magtatakda ng mga pamantayan, kwalipikasyon, pagpaparehistro, at proseso ng awtorisasyon para sa Data Transmission Industry Participants, alinsunod na rin sa Republic Act No. 12234 o ang Konektadong Pinoy Act.
Inaasahang dadalo sa pagdinig ang mga pinuno at kinatawan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Economy, Planning, and Development, Anti-Red Tape Authority, Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government, Department of Tourism, Philippine Competition Commission (PCC), at gayundin ang iba’t ibang stakeholders mula sa pampubliko at pribadong sektor.
Ang magaganap na pagpupulong ay itinuturing na importanteng yugto sa pagpapalawak ng kompetisyon, pagpapabuti ng serbisyo, at pagpapabilis ng digital connectivity sa buong bansa, kasabay ng pagsuporta para sa mas epektibo, bukas, tapat, at patas na mga proseso para sa lahat ng stakeholders.
Ang mabubuong circular ay nakatakdang ilabas sa loob ng 30 araw mula sa pagkakaroon ng bisa ng Implementing Rules and Regulations (IRR). Ang notice of public hearing ay inilathala noong unang linggo ng buwan sa isang malaking pahayagan at sa NTC official website.
Ilang linggo bago ang hearing, nagsagawa muna ang NTC ng coordination meeting kasama ang DICT at PCC upang masiguro ang maayos na inter-agency alignment sa pagpapatupad ng panukala.
Kasalukuyan nang pinaghahandaan ng NTC ang paggawa ng isang ng online platform para sa electronic submission at sang-ayon na rin sa Konektadong Pinoy Act, ilalathala ng komisyon ang mga kaukulang impormasyon ukol sa spectrum sa loob ng 90 araw mula sa bisa ng IRR o sa Abril 2.
Nagpahayag ang NTC ng pasasalamat at buong suporta kay Sen. Imee Marcos dahil sa kanyang pagsusulong ng mga reporma sa telekomunikasyon, partikular ang paggamit ng electronic filing at digital platforms upang pabilisin ang mga proseso at palawakin ang digital connectivity.
Tiniyak ng NTC na patuloy itong makikipag-ugnayan at makikipagtulungan upang lalong mapahusay ang mga patakaran at serbisyo para sa lahat ng Pilipino.
54
