IPINAGMALAKI ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakapanalo ng estado matapos hatulan ng hukuman ang dalawang miyembro ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) sa kasong terrorism financing.
Ayon sa DOJ, ang hatol ay ibinaba matapos ang buong paglilitis sa Regional Trial Court Branch 45 sa Tacloban City.
Binigyang-diin ng kagawaran na nakabatay ang desisyon sa masusing imbestigasyon, kabilang ang pagkakarekober ng mahigit kalahating milyong pisong cash at resulta ng financial investigation ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ginamit bilang ebidensya sa korte.
Ayon pa sa DOJ, pinatutunayan ng hatol ang matibay na paninindigan ng pamahalaan na ipatupad ang mga batas laban sa pagpopondo ng terorismo at tuluyang putulin ang mga network na nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga teroristang grupo.
Matatandaang hinatulan sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil matapos mapatunayang lumabag sa Section 8 ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, kaugnay ng pagbibigay ng pondo at ari-arian sa CPP-NPA sa Catbalogan City, Samar.
(JULIET PACOT)
42
