ARESTADO ang 27 wanted person, kabilang ang siyam na Top Most Wanted Persons (TMWP) at limang Most Wanted Persons (MWP), sa isinagawang 24-oras na Warrant Day operation ng Quezon City Police District (QCPD) noong Enero 23, 2026.
Sa ulat ng QCPD sa pamumuno ni Police Colonel Randy Glenn Silvio, isinagawa ang serye ng operasyon ng iba’t ibang police units sa lungsod na nagresulta sa pagkakadakip ng mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest (WOA) sa iba’t ibang kaso.
Ayon sa QCPD, nadakip ng District Mobile Force Battalion (DMFB), sa ilalim ni PLtCol Edgar Batoon, ang No. 4 MWP ng Anonas Police Station 9 na kinilalang alyas “Francis,” 44, residente ng Brgy. Commonwealth, bandang alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng Dahlia St., Brgy. Greater Fairview. Mayroon siyang WOA para sa kasong homicide na inisyu ng Branch 91 ng Regional Trial Court (RTC), Quezon City.
Naaresto rin ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni PLtCol Edison Ouano, ang No. 5 District Level MWP na alyas “Mario,” 39, bandang alas-11:10 ng umaga sa Brgy. Alicia, Project 6. Siya ay may WOA para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inisyu ng Branch 79, RTC Quezon City.
Bandang alas-4:00 ng hapon, nadakip din ng CIDU ang No. 7 District Level MWP na alyas “Melton,” 46, sa kanyang tirahan sa Masambong, Quezon City. Mayroon siyang WOA para sa kasong acts of lasciviousness na inisyu ng Branch 13 ng Family Court, Quezon City.
Samantala, inaresto ng La Loma Police Station 1, sa ilalim ni PLtCol Jose Luis Aguirre, ang No. 9 MWP na alyas “Arnel,” 40, bandang alas-9:30 ng umaga sa Brgy. Sto. Domingo. Siya ay may WOA rin para sa paglabag sa R.A. 9165 na inisyu ng Branch 305, RTC Quezon City.
Nadakip naman ng Masambong Police Station 2, sa pamumuno ni PLtCol Rolando Baula, ang No. 1 MWP na alyas “Ramil,” 55, residente ng Brgy. Holy Cross, Novaliches, bandang alas-5:10 ng hapon sa Quirino Highway, Brgy. San Bartolome. Siya ay may WOA para sa kasong statutory rape na inisyu ng Branch 13, RTC Quezon City.
Sa hiwalay na operasyon, inaresto ng Batasan Police Station 6, sa ilalim ni PLtCol Aljun Belista, ang isang 14-anyos na menor de edad na nakalista bilang kanilang No. 1 MWP at No. 5 District Level MWP, bandang alas-10:50 ng umaga sa Brgy. Batasan Hills. Mayroon siyang WOA para sa paglabag sa R.A. 8353 o Qualified Rape of a Minor na inisyu ng Branch 106, RTC Quezon City.
Hindi na pinangalanan ang menor de edad alinsunod sa umiiral na batas.
Bukod dito, nadakip ng Cubao Police Station 7, sa pamumuno ni PLtCol Joy Leanza, ang No. 9 MWP na alyas “Daryl,” 34, bandang ala-1:50 ng hapon sa Brgy. 310, Sta. Cruz, Maynila.
Habang inaresto naman ng Galas Police Station 11, sa ilalim ni PLtCol Virgilio Jopia, ang No. 7 MWP na alyas “Glenn,” 24, bandang ala-1:00 ng madaling araw sa Brgy. San Isidro, Galas, Quezon City.
(PAOLO SANTOS)
19
