ISINABAK ng Philippine Navy ang guided-missile frigate na BRP Jose Rizal (FF-150) upang tumulong sa search and rescue (SAR) operation para sa apat pang nawawalang Filipino crew ng MV Devon Bay, isang Singaporean-flagged cargo vessel na tumaob malapit sa Scarborough Shoal noong Enero 22.
Naganap ang insidente humigit-kumulang 55 nautical miles hilagang-kanluran ng Bajo de Masinloc, Zambales.
Lulan ng MV Devon Bay ang 21 Pilipinong tripulante. Ayon sa impormasyong ibinahagi ng Chinese Embassy in Manila, 15 crew ang nasa stable na kondisyon, dalawa ang kumpirmadong nasawi, habang apat pa ang nawawala.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Capt. Noemie Guirao-Cayabyab, una nang nagpaabot ng tulong ang China Coast Guard (CCG) matapos marekober ang 17 Filipino crew members.
Hanggang kahapon, patuloy ang joint maritime search and rescue operation ng Philippine Coast Guard at China Coast Guard para mahanap ang apat pang nawawalang tripulante.
Kinumpirma ni Guo Wei, Deputy Spokesperson ng Chinese Embassy in Manila, na sabay na nagsasagawa ng search, rescue, and retrieval operations ang dalawang coast guard sa lugar ng insidente.
“Four crew members remain unaccounted for. China Coast Guard vessels Dongsha and Sanmen have joined forces with the Philippine Coast Guard vessel 9701, BRP Teresa Magbanua, to conduct a sector-by-sector search and rescue operation,” ayon kay Guo Wei.
Ang MV Devon Bay ay may kargang iron ore mula Mindanao at patungong Yangjiang, China nang mangyari ang insidente.
Nagpalabas na rin ng radio communications advisory ang PCG sa mga barkong dumaraan sa 141 nautical miles west-northwest ng Tambobong, Pangasinan bilang bahagi ng SAR operations.
“All transiting vessels in the area are requested to proceed with caution, maintain a sharp lookout, and render assistance as necessary, in accordance with international maritime regulations,” ayon sa PCG.
(JESSE RUIZ)
27
