PAGBABAGO KAYANG GAWIN SA CUSTOMS – NEPOMUCENO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

NOON pa naman ay nagtayo na ng mga istrukturang militar ang China sa mga islang sakop natin, pero ano ang mga naging hakbang at ginawa natin?

Sa totoo lang, wala tayong lakas na tulad ng China, bukod sa kulang tayo sa armas laban sa mga Intsik, na maging ang US nga ay tila kimi na banggain.

Ayaw natin ng digmaan sa mga panahong ito, at ang dapat gawin ay palakasin ang ating sariling militar at isamoderno ang ating AFP at mga hukbong pangseguridad.

Mas palakasin pa natin ang ating “sigaw” sa mundo sa pagbabarumbado at pagiging maton ng China sa ating soberanya.

Ito hanggang ngayon ang ating magagawa.

At ang US, atin silang kulitin na kumilos na upang tayo naman ngayon na nasa gipit na kalagayan, ang kanilang tulungan

***

Noong mga nakaraang kalamidad, mas matingkad naman ang kabutihang loob ng marami sa atin: kahit maliit na ambag ay may nagbibigay ng tulong na salapi, mga damit, gamot at ang walang materyal na maitutulong ay ibinigay ang kanilang sariling lakas at panahon upang makisali sa pagliligtas ng mga nawawalang biktima; nakikidalamhati sa mga nawalan at namatayan, at ang marami, tumutulong sa mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong sektor sa pangangalap at pamimigay ng relief goods.

Ito ang tunay na diwa ng kabayanihan ng lahing Pinoy: hindi kayang pasukuin, hindi kayang pahinain kundi ang tinatanganan ay ang pagtitiwala sa Panginoong Diyos — na ang lahat ay pagsubok at makababangon ang mga sinalanta gaano man kalupit ang tadhana.

Nagtitiwala ang marami: hindi ibibigay ng Diyos ang mga pagsubok kung hindi ito kakayanin ng iniibig Niyang subukin.

Aking naaalala ang kuwento ni Job — isang dakilang lalaki ng Diyos na sinubok ng Diablo ang katatagan ng pananampalataya.

Inubos ang kayamanan ni Job, namatay ang kanyang mga anak, at nagkasakit pa, ang katawan ay tinubuan ng bukol at kinakain ng mga uod.

Ngunit hindi siya bumitaw sa pagtitiwala sa magagawa at kapangyarihan ng Diyos: hindi nagtanong, hindi nanumbat si Job sa Amang Diyos kung bakit siya “pinarurusahan” gayong siya ay lumalakad nang matuwid sa aral at utos ng Panginoon.

Nang usigin si Job ng kanyang asawa kung bakit nagtitiwala pa sa Diyos sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad at matinding karamdaman, ano ang naging ni Job: Hindi lamang sa panahon ng kaginhawaan dapat na magpapasalamat sa Diyos, kundi maging sa panahon ng kagutuman, pagkakasakit at kawalang pag-asa.

Sa ipinakitang matinding pananampalataya ni Job, pinagaling ang kanyang mga sugat at ibinalik ng Diyos ang kabuhayan at kayamanan na higit sa dami ng naunang nawala kay Job.

Espiritu nga ni Job ang nasa lahing Pilipino.

***

‘Wag isara ang puso at pagtitiwala dahil ang iba ay nabigong mabago ang Bureau of Customs (BoC), hindi na ito maaari pang mabago, at lahat ng pagsisikap ay mauuwi sa wala.

Ito ang muling apela ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, higit sa mga kasamang kapwa public servant sa BoC.

Kung hihinto na siya at mga kasama sa Aduana na naniniwala na kayang mabago at maireporma ang BoC, wala ngang mangyayari, kaya ang pakiusap ni Nepomuceno: magpatuloy tayong lahat na magsumikap, magpatuloy sa kabila ng maraming paghamon at kaya, makakayang baguhin ang mga mali, maitutuwid ang mga baluktot, basta ‘wag titigil sa pangarap na mababago rin ang lahat.

Mabuting pagtatrabaho, walang pingas na pagtitiwala sa kabutihan at katapatan ng mga kasama sa BoC ang isa sa mga susi ng reporma sa kawanihan.

Kung magiging matino at mahusay sa trabaho, ang pagbabago ay kailangang maitawid sa puso ng taumbayan, at ito ay magagawa kung ang lahat ay magtutulungan, at ang lahat ay makikiisa sa ginagawa niyang reporma, pakiusap ni Nepomuceno.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

1

Related posts

Leave a Comment