NAGING sentro ng usapin si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen matapos siyang sibakin sa puwesto bilang hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Manila (POM), kasunod ng inihaing imbestigasyon sa umano’y muling paglaganap ng smuggling.
Ang hakbang ay bahagi ng direktiba ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na busisiin ang mga ulat na may ilang opisyal ng ahensya na posibleng sangkot sa ilegal na operasyon sa loob ng Bureau of Customs (BOC).
Si Pacunayen ay kabilang sa mga pinangalanan sa isang liham na ipinadala sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Disyembre 11 ng ilang opisyal, empleyado, at stakeholders ng ahensya.
Nabanggit din sa parehong liham si CIIS Director Thomas Narcise.
Bukod sa kanyang pagkakadawit sa naturang kontrobersiya, lumutang rin ang alegasyon na si Pacunayen ay kamag-anak umano ni Nepomuceno, bagay na lalong nagpainit sa usapin at nagbunsod ng panawagan para sa transparency at accountability sa loob ng ahensya. Itinanggi naman ng kampo ng BOC chief ang pagkakaugnay kay Pacunayen.
Sa liham, tinukoy rin ang isang customs broker na nauna nang itinuro sa ulat ng Senado bilang pangunahing agricultural smuggler na umano’y kumikilos sa iba’t ibang pantalan sa bansa, kabilang ang Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.
Ayon pa sa dokumento, “The Port of Manila, as the country’s primary international gateway, has reportedly become a focal point for the entry of regulated, prohibited, or undeclared goods, including agricultural products, counterfeit items, illicit cigarettes, motor vehicles, vape products, and other regulated commodities.”
Patuloy ang imbestigasyon ng BOC upang matukoy ang lawak ng umano’y smuggling activities at ang posibleng pananagutan ng mga opisyal na nadawit, habang inaasahan ang karagdagang aksyon mula sa pamunuan ng ahensya.
(JUNEX DORONIO)
79 