WELLMED SABIT DIN SA INSURANCE FRAUD SA AMERIKA

USAPANG KABUHAYAN

Nag-utos si Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation na arestuhin ang mga may-ari ng WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp. na umano ay sabit sa mga pekeng insu­rance claim sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth para sa mga dialysis treatments na hindi naman nangyari para sa mga pasyenteng patay na.

Iniutos ng pangulo na pag inaresto ang mga may-ari ng naturang dialysis treatment center ay dalhin sila sa Malacañang dahil gusto niyang tanungin nang harapan kung bakit nagawa nilang kurakutin pati na ang PhilHealth insurance payments na isang benepisyong inaasahan lalo na ng napakara­ming mahihirap na Filipino.

Ang ebidensya laban sa kompanya ay galing sa dalawang dating empleyado ng kompanya na naging whistleblower at ini-report sa mga awtoridad ang insu­rance scam.

Nagngitngit nang todo si Pangulong Duterte dahil ayon sa isang investigative report na inilabas sa Inquirer, tinataya na base sa global average ng porsyento ng health insurance fraud claims ay maaaring umabot na sa P154 bilyon na pekeng insurance payments na ang nakulimbat mula sa PhilHealth simula nang itayo ito noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos hanggang noong taong 2018.

Ayon sa ating pagsasaliksik, sumabit na rin ang sister companies ng WellMed sa malalaking insurance fraud cases sa Estados Unidos lalo na sa Texas kung saan ito ay may mala­king operasyon. Base sa kasong isinampa laban sa UnitedHealth, isang popular na pribadong health insu­rance provider sa Amerika na may-ari ng WellMed sa Texas, at sa tatlo pang malalaking health insurance companies doon na naningil sila ng bayad para sa mga medical treatment na hindi naman dapat ibinigay sa mga pasyente na pinalabas nilang mas malala ang sakit kaysa sa totoo para lang sa mas malaking kita.

Isang malaking problema rin sa Amerika at Europa ang health insurance fraud dahil sa rami ng mga insu­rance claims ay hindi naman pwedeng itsek ng insurance auditors ang kaso ng bawat pasyente na nagpagamot gamit ang kanilang health insurance. Ang kaso laban sa UnitedHealth na may-ari ng WellMed ay naisampa dahil din sa pag-report ng insurance scam sa US federal authorities ng mga dating opisyal o empleyado ng kompanya na tinamaan ng matinding konsensya at naging whistleblower ng naturang scam. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

221

Related posts

Leave a Comment