DAPAT pondohan ng national budget ang mga subsidiya at iba pang diskuwento sa kuryente upang maisulong ang mas mataas na antas ng transparency at sustainability, nang hindi nagpapataw ng dagdag na pasanin sa mga hindi nakatatanggap nito, partikular na ang mga low at middle-income households.
Ito ang iginiit ni Senador Bam Aquino sa paghahain ng Senate Resolution No. 375, na humihiling sa Committee on Energy na silipin ang disenyo, pagtukoy ng mga benepisyaryo, at pagpopondo ng mga subsidiya, partikular ang lifeline rate na itinatadhana sa ilalim ng Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act.
Sinabi ni Aquino na dapat busisiin ang karagdagang bayad na ito dahil marami nang naghihirap na Pilipino at middle class.
Hindi na anya dapat dagdagan ang gastusin ng taumbayan kung may pera naman ang gobyerno para sa ayuda.
Kailangan anyang suriin ang iba pang alternatibong mekanismo sa pagpopondo, kabilang ang paggamit ng pambansang budget upang mapondohan ang bahagi o kabuuan nito.
Dapat ding tiyakin na ang mga naturang subsidiya ay hindi magdudulot ng hindi inaasahan o hindi proporsyonal na gastos sa mga consumer ng kuryente.
(DANG SAMSON-GARCIA)
65 