RAPIDO ni PATRICK TULFO
SENTRO ng katatawanan ngayon si Sen. Robinhood (Robin) Padilla sa social media dahil sa mga meme ukol sa kanya dahil sa mga tanong nito sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Sa pinakahuling pagdinig na ginawa nito lang Miyerkoles, tinanong ni Sen. Padilla kay dating COA (Commission On Audit) State Auditor Roderick Wamil kung nakarating na ba ito sa ilang lugar sa Mindanao o sa Bikol, kung saan mayroon problema sa Abu Sayyaf, ISIS at NPA, sinagot ni Wamil na nakarating na siya sa mga naturang lugar at alam din nito ang problemang binabanggit ni Sen. Padilla dahil sa balita.
Sa mga pagtatanong nito sa witness mula sa COA ay tila binibigyan ng katwiran nito ang paggamit ng intelligence funds na ibinigay sa opisina ng Pangalawang Pangulo.
Dito palang ay tila naguguluhan na sa tanong si Auditor Wamil, dahil sa totoo lang wala naman kinalaman ang kanilang opisina kung saan ginamit ang pondo na kanilang sinita dahil hindi naman nila trabaho yun at ang kanilang layunin ay hanapin ang pruweba kung saan napunta ang pera sa pamamagitan ng mga resibo na hindi daw naisumite ng opisina ng Bise Presidente noong siya ay kalihim pa ng DepEd.
Tila hindi yata naiintindihan ni Sen. Padilla kung ano ang trabaho ng COA katulad ng hindi nito pagkakaintindi sa trabaho ng mga miyembro ng prosecution panel nang sabihin nito na sana ay wag naman daw maging bias ang mga ito.
Naalala ko tuloy noong isang pagdinig sa Senado nang tanungin ito ni Sen. Marcoleta ukol sa bilateral immunity agreement sa pagitan ng US at Pilipinas at sinagot nito na nasa Quran daw yan at nasusulat kapag hindi mo alam ay magtanong daw sa may alam.
Kaya siguro nagresign ang Chief of Staff ni Sen. Padilla sa Senado na si Atty. Phillip Jurado dahil hindi na kinaya nito ang kabobohan ng kanyang amo.
67 