PITO KATAO NASAGIP SA TUMAOB NA PUMP BOAT SA DAVAO CITY

PITONG kalalakihan ang nailigtas ng Philippine Coast Guard matapos tumaob ang sinasakyan nilang pump boat sa karagatang sakop ng Kilometer 10, Barangay Sasa, Davao City.

Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM), namataan ng mga tripulante ng MV Mae Wess 4 at Coast Guard Sea Marshal ang mga sakay ng lumubog na pumpboat na nagpupumilit manatiling nakalutang sa dagat.

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Coast Guard at nailigtas ang pitong sakay ng bangka.

Dinala ang mga biktima sa Mae Wess Port sa Island Garden City of Samal (IGaCoS) upang mabigyan ng paunang lunas.

Dalawa sa mga nasagip ang nagtamo ng minor injuries at isinugod sa Davao del Norte–IGaCoS Zone Hospital para sa karagdagang gamutan.

Samantala, hinatak ang lumubog na pump boat patungong Barangay Caliclic, IGaCoS para sa damage assessment.

Ayon sa CGDSEM, nagsasagawa lamang ng sea trial ang mga sakay nang bigla silang hampasin ng malalakas na hangin at malalaking alon na naging dahilan ng pagtaob ng kanilang sasakyang pandagat.

(JESSE RUIZ)

65

Related posts

Leave a Comment