ZALDY CO NASA FRANCE NA

DISMAYADO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos malaman na nasa France na ang puganteng si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, mula sa Czech Republic.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pangulo na may “highly reliable information” na si Co ay may pending petition para sa political asylum sa France.

“He has been requested to be transferred to and is now under the jurisdiction of French authorities. All missions in Europe have been instructed to obtain further official confirmation,” ayon kay Castro.

Ayon pa kay Castro, ipinaabot ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya dahil malapit na sanang maiuwi sa Pilipinas si Co, subalit nagkaroon ng komplikasyon nang mapasailalim ito sa hurisdiksyon ng ibang bansa at dahil sa usaping may kinalaman sa paggamit ng invalid documentation.

Nauna nang natanggap ng Malacañang ang ulat mula kina Justice Secretary Fredderick Vida ng Department of Justice at Foreign Affairs Secretary Teresa Lazaro hinggil sa kalagayan ni Co.

Ayon kay Castro, ang mga hakbang ng pamahalaan ay nakaangkla sa paggalang sa umiiral na batas ng European Union at mga miyembrong bansa nito, at nangangailangan ng masusing diplomatikong koordinasyon.

Tiniyak din ng Palasyo na patuloy ang pakikipagtulungan sa mga banyagang pamahalaan upang maibalik si Co sa Pilipinas at maiharap sa mga kasong graft at malversation.

Inaasahan namang makikipagpulong si Pangulong Marcos sa Ambassador ng France at kinatawan ng Czech Republic upang talakayin ang mga susunod na hakbang para sa pagbabalik ni Co.

Samantala, sinabi ni Castro na maaaring makita sa Commission on Audit (COA) ang gastos ng pamahalaan sa pagpunta ng delegation sa Prague para sa usapin ni Co, at iginiit na ito ay bahagi ng opisyal na tungkulin ng mga opisyal.

Nilinaw rin ng Palasyo na walang nakikitang dahilan para mag-apologize ang Pangulo kaugnay ng naunang anunsyo na nahuli si Co, at iginiit na ginawa ng administrasyon ang lahat ng kinakailangang hakbang.

Dagdag pa ni Castro, hindi opisyal na pahayag ng Pangulo ang naunang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maaaring maiuwi si Co sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.

(CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment