BALWARTE NI VP SARA SA VISMIN NAYANIG SA IMPEACHMENT VOTE – SOLON

NAYANIG ang itinuturing na “southern stronghold” ni Vice President Sara Duterte matapos bumoto ang malaking mayorya ng mga kongresista mula sa Visayas at Mindanao pabor sa impeachment laban sa kanya.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, ipinakita ng resulta ng botohan na lumampas na sa usapin ng rehiyon at pulitika ang panawagan para sa pananagutan.

Sa pinal na tala ng Kamara na 257-25-9, lumabas na 43 sa 50 mambabatas mula sa Visayas ang bumoto pabor sa impeachment habang 41 naman sa 61 kongresista mula sa Mindanao ang nagsabing “yes.”

Binigyang-diin ni Adiong na winasak ng voting pattern ang alegasyong pakana lamang umano ito ng mga taga-Luzon o ng tinatawag na “Imperial Manila.”

“This was not about geography or politics. This was about evidence, constitutional duty, and accountability to the Filipino people,” ani Adiong.

Kapansin-pansin din umano ang boto ng ilang mambabatas mula sa Davao Region na matagal nang itinuturing na balwarte ng pamilya Duterte.

Batay sa opisyal na record ng Kamara, bumoto pabor sa impeachment sina Reps. John Tracy Cagas ng Davao del Sur, Leonel “Jhong” Ceniza ng Davao de Oro, Jose Manuel “JM” Lagdameo at De Carlo Uy ng Davao del Norte, at Carmen Zamora ng Davao de Oro.

“For decades, the Duterte brand drew much of its political strength from Mindanao and especially Davao. That is why this vote is politically significant. This showed that even leaders from areas long identified with the Dutertes believe serious constitutional questions must be confronted,” paliwanag ni Adiong.

Sa Luzon, 125 sa 142 kongresista ang bumoto ng “yes” habang halos lahat ng probinsya sa Visayas gaya ng Cebu, Iloilo, Leyte at Samar ay sumuporta rin sa impeachment.

Malakas din ang naging suporta mula sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga at BARMM.

Nakatakda nang i-transmit sa Senado ang Articles of Impeachment para sa pormal na paglilitis.

(TINA MENDOZA)

67

Related posts

Leave a Comment