PATAY ang isang broadcast media worker ng Catholic-run radio station sa Cotabato City matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang papasok sa trabaho.
Kinilala ang biktima na si Dennis Pido, 56, residente ng Pigcawayan, North Cotabato, at broadcast media technician ng DXMS-AM at DXOL-FM ng Notre Dame Broadcasting Corporation (NDBC).
Ayon kay Police Captain Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), minamaneho ni Pido ang kanyang Honda CRF 300 motorcycle patungo sa trabaho nang barilin siya ng hindi pa nakikilalang gunman na sakay din ng motorsiklo sa Barangay Limbo, Sultan Kudarat bandang alas-3:50 ng hapon.
Sinabi ni Salanguit na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at nananatiling hindi pa matukoy ang motibo ng pag-atake.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na sinundan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo si Pido bago siya pagbabarilin nang apat na beses sa likod, kung saan tatlong bala ang tumagos sa kanyang dibdib.
Isinugod pa ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital ng mga rumespondeng pulis ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ang NDBC ay pagmamay-ari ng missionary congregation na Oblates of Mary Immaculate.
“We are heartbroken that a hardworking media worker lost his life while simply on his way to work,” ani DXMS-AM/DXOL-FM Station Manager Drema Quitayen Bravo.
Hinimok naman ni Oblate missionary at NDBC Chief Executive Officer Fr. Rockmoore Saniel ang pulisya at iba pang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng agaran, patas, at komprehensibong imbestigasyon sa krimen.
“We urge the authorities to pursue every available lead, identify all those responsible, and ensure that they are held fully accountable under the law,” ani Saniel.
(JESSE RUIZ)
90 