COC FILING PARA SA DASMARIÑAS SPECIAL ELECTION, UMARANGKADA

NAGSIMULA na noong Hulyo 15 ang unang araw ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa gaganaping special election sa nag-iisang distrito ng Dasmariñas City, Cavite.

Tatagal ang paghahain ng COC hanggang Hulyo 17, kung saan inaasahang magsusumite ng kanilang kandidatura ang mga nagnanais na maging kinatawan ng lungsod sa Kongreso.

May kabuuang 448,883 rehistradong botante ang inaasahang boboto sa Dasmariñas gamit ang 43 voting centers at 3,166 voting precincts.

Sa araw ng halalan sa Agosto 29, boboto mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis, bago ang regular na botohan mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Target ng Commission on Elections (COMELEC) na maiproklama ang magiging bagong kinatawan ng Dasmariñas sa umaga ng Agosto 30, isang araw matapos ang halalan.

Unang dumating at naghain ng kanyang kandidatura si dating Dasmariñas City Vice Mayor Rex Mangubat, na opisyal nang sumabak sa karera para sa puwesto bilang kinatawan ng lungsod sa Kongreso.

Inaasahan namang mas marami pang aspirante ang maghahain ng kanilang kandidatura sa mga susunod na araw habang umiinit ang labanan para sa special election.

Pinaalalahanan naman ng COMELEC ang lahat ng kandidato na sumunod sa umiiral na mga patakaran at kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang dokumento sa loob ng itinakdang panahon ng paghahain ng COC.

(SIGFRED ADSUARA)

86

Related posts

Leave a Comment