LUMAPIT sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang isang kabataang babae kaugnay ng reklamong rape laban sa isang transport network vehicle service (TNVS) driver.
Ayon sa reklamo, inakusahan ng teenager ang driver ng sinakyang TNVS na accredited ng isang transport network company (TNC) ng panggagahasa.
Batay sa salaysay ng biktima, naganap umano ang insidente noong Mayo 8, 2026 sa Quezon City.
Ayon sa LCSP, sinuspinde lamang umano ng TNC ang driver matapos magsampa ng reklamo ang biktima sa kumpanya.
Depensa naman ng driver, hindi umano nangyari ang paratang laban sa kanya at siya pa umano ang niyaya ng pasahero.
Gayunman, sinabi ng LCSP na malinaw ang salaysay ng biktima kung paano siya hinalay ng TNVS driver at iginiit na walang relasyon ang dalawa bago ang insidente dahil nagkakilala lamang sila nang mag-book ng biyahe ang pasahero.
Kaagad namang ipinaalam ng LCSP sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang insidente at plano rin umano nitong idulog ang usapin sa Land Transportation Office (LTO).
Nagsampa na rin ng reklamong rape ang biktima laban sa driver sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon pa sa LCSP, nasa kanilang pangangalaga na ang pagkakakilanlan ng TNVS driver at ng TNC kung saan nag-book ang biktima.
Binigyang-diin ng grupo na marangal ang hanapbuhay bilang TNVS driver, subalit kinakailangan ding mabigyan ng kaukulang aksyon ang mga ganitong reklamo upang mapanagot ang sinomang mapatutunayang nagkasala at masuri rin kung may kapabayaan ang TNC sa pag-accredit sa naturang driver.
101 