DOJ: WALANG DAHILAN PARA SUSPENDIHIN SI MATIBAG

WALANG nakikitang dahilan si Justice Secretary Frederick Vida para isailalim sa preventive suspension si NBI Director Melvin Matibag kasunod ng panawagan ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Vida na hindi pa nila isinasaalang-alang ang preventive suspension kay Matibag kaugnay ng nangyaring kaguluhan sa Senado.

“I don’t see any reason issuing preventive suspension,” ani Vida.

Nilinaw rin ni Vida na wala siyang kapangyarihang direktang mag-utos ng suspensyon laban sa direktor ng NBI.

Samantala, bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng special panel of prosecutors upang magsagawa ng masusing case build-up investigation kaugnay ng mga insidenteng naganap sa loob at paligid ng Senado mula Mayo 11 hanggang Mayo 14.

Iniutos din ni Vida sa PNP-SOCO, NCRPO, Pasay City Police Station, at NBI na pangalagaan at isumite sa loob ng 48 oras ang lahat ng ebidensyang may kaugnayan sa insidente ng pamamaril sa Senado.

Hihilingin din ng DOJ sa Senate Sergeant-at-Arms na isumite ang lahat ng ebidensya kabilang ang CCTV footage, ballistic at paraffin test results, at mga salaysay ng mga testigo.

Hinimok din ng DOJ ang media at iba pang naroon sa Senado noong mga panahong iyon na magsumite ng video, larawan, at iba pang ebidensyang makatutulong sa imbestigasyon.

“At this time, the investigation is ongoing. The Department definitely will not prematurely assign liability or validate public claims until all evidence has been fully evaluated,” ayon kay Vida.

(JULIET PACOT)

88

Related posts

Leave a Comment