BINASAG ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang umano’y maling naratibo kaugnay ng naganap na kaguluhan at pag-atake sa loob ng Senado at hinikayat ang publiko na ituon ang pansin sa “buong katotohanan.”
Sa isang Facebook livestream nitong Mayo 15, 2026, kalmadong humarap sa publiko si Cayetano at nanawagang huwag hayaang sirain ng mga “half-truth” ang bansa.
“Ang appeal ko po sa lahat, let’s start focusing on the truth and the whole truth. Half-truth, hindi pa rin po truth ‘yon,” ani Cayetano.
“Based on the truth, let’s move forward. Let’s not destroy our nation; let’s build our nation,” dagdag pa niya.
Mariin ding itinanggi ng Senate President ang alegasyong magulo ang Senado.
“Hindi po magulo ang Senado — ginugulo ang Senado. Iba po ang magulo sa ginugulo,” diin niya.
Inisa-isa rin ni Cayetano ang umano’y mga “facts” sa naganap na insidente, kabilang ang pagpasok umano ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado noong Mayo 11.
“Fact number one, NBI ang lumusob at pumasok sa Senado at nakipaghabulan sa isang senador kahit pwedeng hintayin na lang sa session hall or sa office of the Senate President,” aniya.
Binasag din nito ang alegasyong ang pagpapalit ng liderato sa Senado ay para maantala o mapigilan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“Fact number two, puwede nang magsimula sa Monday ang impeachment trial,” pahayag niya.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang naging kilos ng NBI matapos umano sa kanyang tiyakin ni NBI Director Melvin Matibag na hindi kikilos ang ahensya nang walang koordinasyon sa Senado matapos ang insidente ng pakikipaghabulan kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
“Fact number three, sabi niya hindi niya pakikilusin ang NBI nang walang coordination sa amin,” ani Cayetano.
“But Wednesday morning pa lang, may reports na sa amin na naglalabas-pasok ang NBI agents.”
Dagdag pa niya, “Pagdating ng hapon, may NBI agents na naka-full tactical gear na nasa GSIS. Kitang-kita nakasuot ng ‘NBI.’ Still, they were denying na NBI sila.”
Nagpasalamat din si Cayetano sa mga miyembro ng Senate media na patuloy umanong nag-cover sa kabila ng panganib.
“Hats off, sobrang tapang po. I really respect ‘yung Senate media. Hindi kayo nagtago. Hindi kayo umuwi. You ran towards danger so that people will know the truth,” aniya.
Hinimok din niya ang media at publiko na ipagpatuloy ang paglalabas ng mga video at ebidensyang makatutulong sa paglilinaw ng mga nangyari.
“Kaya ang pakiusap ko, lahat ng naglalabas ng video na kitang-kita ang katotohanan kaya nasisira ang mga gawa-gawang narrative, continue to do that,” sabi niya.
Ayon kay Cayetano, nais lamang nilang maiwasan na mauwi sa takot at kalituhan ng publiko ang nangyaring insidente.
“We just wanted everyone to not have a national trauma,” ani niya.
Tinapos ni Cayetano ang kanyang mensahe sa isang panalangin.
“May we ask God for one thing: the truth to come out,” pahayag niya.
92 