Bernos nanawagan ng proteksyon laban sa mga ‘fly-by-night’ na solar provider

Nanawagan si Abra Lone District Representative JB Bernos sa pamahalaan na palakasin ang proteksyon para sa mga Pilipinong lumilipat sa solar energy, kasabay ng pagdami ng mga ulat tungkol sa mga “fly-by-night” na solar power providers.

Ayon kay Bernos, bagama’t mahalagang suportahan ang paglipat ng mga kabahayan sa renewable energy dahil sa benepisyo nito sa kalikasan at sa pangmatagalang pagtitipid sa kuryente, dapat tiyakin ng gobyerno na ligtas ang mga mamimili laban sa mga abusadong kumpanya.

“Lubos nating sinusuportahan ang paglipat sa renewable energy, ngunit kailangang maging maagap ang gobyerno—lalo na ang Department of Trade and Industry, Department of Energy, at Energy Regulatory Commission—sa paghabol sa mga operator na inuuna ang kita kaysa kapakanan ng mga konsyumer,” ani Bernos sa isang pahayag.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng mga ulat tungkol sa mababang kalidad ng solar panels, kakulangan sa maintenance at after-sales service, at mga solar installation na hindi dumadaan sa tamang rehistro at proseso.

“May mga nababalitaan tayong solar installations na nasusunog, o kaya naman ay mga provider na hindi na mahagilap kapag kailangan ng pagkukumpuni o maintenance,” dagdag niya.

Hinimok din ni Bernos ang publiko na tiyaking dumadaan sa tamang proseso ang paglipat sa solar energy upang maiwasan ang panganib at matiyak ang kaligtasan.

“Hindi natin maaaring isakripisyo ang responsibilidad kapalit ng kaginhawahan. Ang pagsunod sa tamang proseso ay hindi lamang usapin ng legalidad kundi ng kaligtasan ng bawat pamilya,” aniya.

Sa kasalukuyan, kabilang sa requirements para sa residential solar installation ang barangay clearance, building permit, electrical permit, electrical inspection and certificate, at net metering application o ang pagkuha ng tinatawag na “Yellow Card.”

Si Bernos ang may-akda ng House Bill No. 3126 o On-Grid Solar Energy Systems Bill, na naglalayong magpatupad ng on-grid solar energy systems sa lahat ng tanggapan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa bansa.

99

Related posts

Leave a Comment