ARESTADO ang isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos mahulihan ng tinatayang dalawang kilo ng shabu sa ikinasang anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City.
Batay sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, ikinasa nitong Sabado ng mga operatiba ng PDEA Zamboanga City Office ang buy-bust operation laban sa target na isang aktibong police officer na may ranggong Police Staff Sergeant.
Kumagat sa bitag ang 45-anyos na suspek na residente ng Tipo-Tipo, Basilan matapos umanong bentahan ng ilegal na droga ang isang undercover agent bandang alas-5:45 ng hapon sa kahabaan ng Mayor Vitaliano Agan Avenue o Bagong Dalan sa Barangay Sta. Maria.
Nasamsam mula sa suspek ang dalawang vacuum-sealed bags na naglalaman ng tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P13.6 milyon.
Bukod sa illegal drugs, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang loaded Glock 17 service pistol na may dalawang magazine at 42 rounds of ammunition, isang Android smartphone, isang Kawasaki motorcycle, police ID, at P1.6 milyong boodle money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ngayon ang naarestong pulis sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
106 