(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY KIER CRUZ)
KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipino-proseso na ang pagsasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng dalawang whistleblower sa ghost dialysis claim ng WellMed Dialysis Center Incorporation sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni NBI Deputy Director for Services Ferdinand Lavin, kinakailangan muna na makumpleto ng mga whistleblower na sina Edwin Roberto at Liezl Aileen de Leon ang kinakailangan requirement para makapasok sila sa WPP.
Inaalam pa kung sila ay puwedeng bigyan ng provisional o full WPP.
Hihintayin pa muna ng NBi ang ipalalabas na resolusyon ng DOJ kaugnay sa kasong estafa at falsification of documents na isinampa sa isa sa may-ari ng WellMed na si Briann Christopher Sy at mga opisyal ng dialysis center.
Nabatid na Kasama si Roberto at de Leon sa kinasuhan ng DOJ kaya kinakailangan na madeterminang mabuti kung sila ay kuwalipikado sa WPP.
Sina Roberto at de Leon ay nasa kustodiya rin ng NBI at si Sy ay mananatili sa ahensiya hanggang hindi pa nakapagpapalabas ang DOJ ng resolusyon sa kaso.
Nalaman na ang dalawang whistleblower ay nakapagsumite ng kanilang sinumpaang salaysay na nagdidiin kay Sy na nagki-claim ng bayad sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) sa mga pasyente na matagal nang patay.
130