POSIBLENG mag-convene ang Senate of the Philippines bilang Committee of the Whole upang siyasatin ang naganap na shooting incident sa loob ng Senado noong Mayo 13.
Sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na tatalakayin nila sa all senators caucus ang manifestation ni Senador Erwin Tulfo at rekomendasyon ni Senate Minority Leader Vicente Tito Sotto III na buuin ang Committee of the Whole.
Unang tumayo sa Senate minority group si Senador Erwin at iginiit na naghihintay na ang taumbayan sa resulta ng pagsisiyasat sa naganap na insidente.
Sa panig naman ni Senadora Risa Hontiveros, sinabi nitong isang linggo na ang nakalipas subalit tila walang malinaw na aksyon ang Senado hinggil sa insidente.
Ayon kay Hontiveros, ngayon lamang nangyari na nabastos ang Senado bilang institusyon.
Naging emosyonal naman si Senadora Pia Cayetano nang tutulan ang pahayag ni Hontiveros na tila walang nangyari matapos ang insidente.
Iginiit ni Senadora Pia Cayetano na para sa mga senador na nasa loob ng Senado nang maganap ang putukan, hindi biro ang pangyayari dahil nakaranas umano siya ng matinding takot.
Sinuportahan naman ng iba pang minority members ang hiling na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa shooting incident.
Inirekomenda ni Senate Minority Leader Sotto ang pag-convene ng Committee of the Whole para sa mas malalim na imbestigasyon.
Gayunman, sa huli ay nagkasundo ang mga senador na irefer muna sa Senate Committee on Rules ang usapin.
Dapat Independent Body
Nanawagan naman si Senador Sherwin Gatchalian na ipaubaya sa isang independent body ang imbestigasyon kaugnay ng shooting incident sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang maimbestigahan kapwa ang Senado at ang National Bureau of Investigation dahil sa magkakaibang pahayag ng dalawang panig hinggil sa tunay na ugat ng putukan.
Ipinaliwanag ng senador na mas mainam na independent body ang magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nagkamali at kung anu-anong reporma ang dapat ipatupad upang hindi na maulit ang insidente.
Tumanggi naman si Gatchalian na magbigay ng komento kung may pagkukulang si acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa nangyari.
Gayunman, binigyang-diin niya na kailangang paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng NBI, Philippine National Police, at militar sa mga ganitong operasyon at insidente.
(DANG SAMSON-GARCIA)
30 