Kung para talaga sa transparency PALASYO KAY VP SARA: HARAPIN ANG MGA PARATANG

NANAWAGAN ang Malacañang kay Vice President Sara Duterte na harapin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya kung tunay umano itong naninindigan para sa “transparency at accountability.”

Kasunod ito ng pormal na pag-convene ng Senado bilang impeachment court para sa paglilitis kay VP Sara kaugnay ng mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.

Napanatili naman ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pamumuno sa Senado matapos ang isang linggong kaguluhan sa Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ito ang tamang hakbang na dapat gawin ni Duterte kung tunay itong naniniwala sa transparency at accountability sa gobyerno.

“Si Bise Presidente naman ay nagsusulong ‘di umano ng transparency and accountability. Kung naniniwala siya sa transparency at accountability, harapin niya po ‘yung mga ibinibintang at inaakusa sa kanya,” ani Castro.

Nag-convene bilang impeachment court ang Senado noong Lunes, Mayo 18.

Suot ang kanilang maroon robes, nanumpa ang mga senador bilang senator-judges ilang araw matapos matanggap mula sa House of Representatives ang Articles of Impeachment.

Kapansin-pansin namang hindi dumalo sa proceedings si Senador Ronald dela Rosa.

Ang pagliban ni Dela Rosa ay kasunod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inatasan si Duterte na humarap sa session hall ng Senado kapag siya ay ipinatawag.

Ang Senate Sergeant-at-Arms ang inatasang magdala ng summons kasama ang kopya ng Articles of Impeachment.

Sinabi rin ni Cayetano na maaaring magsumite ng reply ang prosecution panel sa loob ng limang araw matapos matanggap ang sagot ni Duterte.

Noong gabi ng Mayo 13, ipinadala ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa bise presidente.

(CHRISTIAN DALE)

42

Related posts

Leave a Comment