MARIING pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” o pinagtagni-tagning CCTV footage ang ginamit sa imbestigasyon sa naganap na gun firing incident sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PBGen. Randulf Tuaño, nakabatay umano sa “facts, evidence, and due process” ang findings ng PNP sa insidente at hindi sa inedit o pinutol na video footage.
Umalma ang PNP sa akusasyon ni Aplasca na minanipula umano ang mga video na ipinakita ng mga awtoridad upang suportahan ang bersyon ng mga imbestigador hinggil sa insidente.
Nilinaw ni Tuaño na ang mga ebidensyang isinumite sa Department of Justice (DOJ), kabilang ang CCTV footage at iba pang impormasyon, ay nagmula mismo sa Senado.
“Meron naman pong proseso at forensic examination para ma-validate ‘yung mga information na isinumite ng Philippine National Police sa DOJ,” ani Tuaño.
“Matibay po ang paninindigan ng PNP kaugnay ng mga ebidensyang isinumite sa DOJ na ito ay nakaangkla sa facts, evidence, at due process,” dagdag niya.
Sa video presentation ni CIDG Director PMGen. Roberto Morico II, ipinakita sa CCTV footage na si Aplasca ang unang nagpaputok sa insidente.
Ilang oras matapos ang kaguluhan, iniulat na umalis si Sen. Ronald Dela Rosa sa Senado kasama umano si Sen. Robin Padilla patungo sa hindi isinapublikong lokasyon matapos humiling ng protective custody dahil sa nakaambang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
(JESSE RUIZ)
127 