RADIO COMMENTATOR, IMAM PATAY SA PAMAMARIL SA BARMM

KAPWA nasawi ang isang FM radio commentator at isang Islamic imam sa magkahiwalay na pamamaril sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Huwebes, Mayo 21.

Kinilala ang radio commentator na si Nestor Micator, 45, alyas “Teteng,” na pinaslang sa harap ng Barangay Hall ng Barangay Fort Pikit sa bayan ng Malidegao, bahagi ng BARMM Special Geographic Area, dakong alas-7 ng gabi.

Ayon kay Police Capt. Vilma Dimaraw, hepe ng Malidegao Municipal Police Station, si Micator ay news anchor at commentator ng D’Empire Radio na nakabase sa Poblacion, Pikit, Cotabato province.

Nabatid na miyembro rin si Micator ng Lupong Pambarangay ng Barangay Fort Pikit.

Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na sana ang biktima kasama ang kanyang asawa nang lapitan umano ng armadong salarin at barilin sa ulo habang pasakay sa motorsiklo.

Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng getaway motorcycle na minamaneho umano ng isa pang lalaki na hinihinalang nagsilbing lookout.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung nakatanggap ng pagbabanta sa buhay si Micator bago ang insidente at kung may kaugnayan ang pamamaril sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.
Agad namang kinondena ng mga radio station, broadcaster, at commentators ang pagpatay kay Micator.

“Today, we lost not only a member of the media community, but also a good man—someone dedicated to his work, and committed to serving the public through truthful reporting,” ayon sa pahayag ng D’Empire Radio station management.

“Violence against media workers and innocent individuals has no place in our society. We stand united in condemning this killing and in calling for peace, safety, and accountability,” dagdag pa nito.

Samantala, iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang pagpaslang kay Ustadz Nasrudin Abubakar, isang Islamic preacher, na binaril ng hindi pa nakikilalang salarin dakong alas-2 ng hapon sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa pulisya, naghihintay lamang umano ng masasakyang jeep si Abubakar sa gilid ng national highway nang lapitan ng salaring sakay ng motorsiklo at walang sabi-sabing barilin sa ulo.

Naisugod pa ng mga residente ang biktima sa Dinaig District Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

(JESSE RUIZ)

111

Related posts

Leave a Comment