INIREKOMENDA ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa National Prosecution Service ng Department of Justice ang pagsasampa ng reklamong obstruction of justice laban kay Senador Robinhood “Robin” Padilla at iba pang sangkot umano sa pagtakas sa Senado ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay CIDG Director PMGen Robert Morico II, natapos na ang isinagawang imbestigasyon ng ahensya kaugnay sa insidente noong Mayo 14, 2026.
Sa naging konklusyon ng CIDG, lumitaw umano na planado ang pagsakay ni Dela Rosa sa sasakyan ni Padilla upang makalabas ng Senado matapos ang shooting incident noong gabi ng Mayo 13.
Dagdag pa ni Morico, may isa pang sasakyan na nagsilbing security escort at backup sa sasakyan ni Padilla.
Ayon sa CIDG, hindi lamang simpleng “hitch ride” ang nangyari kundi isang “highly coordinated, pre-planned logistical maneuver” upang hindi umano matukoy si Dela Rosa habang lumalabas ng Senado.
Ipinaliwanag naman ng CIDG na bahagi ng mandato nila ang patas at walang pinapanigang pagpapatupad ng batas at pag-iimbestiga sa mga krimen.
Nauna namang itinanggi ni Padilla ang alegasyong tumulong siyang tumakas si Dela Rosa.
Ayon sa senador, nakisabay lamang umano sa kanya si Dela Rosa palabas ng Senado matapos ang nangyaring shooting incident.
Samantala, sinalakay kahapon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at CIDG ang isang bahay sa loob ng subdivision sa Angeles City, Pampanga na pinaghihinalaang pinagtataguan ni Dela Rosa.
Isinagawa ang operasyon alas-6 ng umaga nitong Miyerkoles sa bahay na pagmamay-ari umano ng tiyuhin ni Senador Padilla.
Gayunman, nabigo ang operasyon matapos na hindi makita sa lugar si Dela Rosa at maging ang sasakyang iniuugnay sa kanya.
Magugunitang nagsasagawa ng malawakang manhunt operation ang PNP at NBI laban sa senador na nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Bukod dito, inaprubahan na rin ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) ang revocation ng License to Own and Possess Firearms at firearms registration ni Dela Rosa.
Batay sa rekord ng FEO, may Type 5 LTOPF ang senador na nagpapahintulot sa kanya na magmay-ari ng higit sa limang baril bilang isang gun collector.
Napag-alaman na mahigit 100 armas umano ang nakarehistro kay Dela Rosa na ipinapasuko na ng FEO sa lalong madaling panahon.
(TOTO NABAJA)
110 