HUWAG NGCP LANG SISIHIN SA POWER DISTURBANCES; POLISIYA PINAREREBYU SA DOE, ERC

NANAWAGAN si House Committee on Energy Chairman Jose Alvarez sa mga mambabatas na huwag agad isisi sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga nagdaang power disturbance at mataas na singil sa kuryente sa bansa.

Sa joint hearing ng House Committees on Energy at Legislative Franchises, sinabi ni Alvarez na lumilitaw na may mas malalalim na problema sa energy policies at market mechanisms na nakaaapekto sa supply ng kuryente at singil sa consumers.

Sinegundahan ni Alvarez ang pahayag ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc na hanggang ngayon ay may mga isyu sa power sector na hindi pa rin naaayos.

“So dapat hindi sisihin ang NGCP,” ani Alvarez matapos pakinggan ang paliwanag ni Dagooc ukol sa electricity pricing, ancillary services at market mechanisms.

Ayon naman kay Dagooc, kombinasyon ng generation, transmission, regulatory at market issues ang ugat ng problema sa power sector.

“Kung may planta pero hindi handa ang transmission, may problema. Kung may transmission pero kulang ang planta, may problema rin,” paliwanag ni Dagooc.

Hinimok din nito ang Kongreso na rebyuhin ang mga polisiya ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na maaaring nagdudulot ng kakulangan sa supply at mataas na singil sa kuryente.

Giit pa ni Dagooc, dapat maayos ang lokasyon ng mga itatayong planta upang maiwasan ang sobrang transmission investments na ipinapasa rin sa consumers.

“Hindi dapat parang kabute ang pagtayo ng mga planta. Kapag mali ang lokasyon, kailangan ng karagdagang transmission facilities na ipinapasa rin sa consumers,” dagdag nito.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang patuloy na transmission congestion at market charges na nagpapahirap umano sa publiko.

“Every time may line congestion, may dagdag na lima hanggang pitong piso. Bakit hindi pa rin ito nire-review?” ani Dagooc.

Naging sentro rin ng pagdinig ang paglobo ng ancillary services cost o bayad sa reserve capacity ng mga planta para mapanatiling matatag ang grid.

Batay sa datos na inilatag ni Dagooc, mula sa dating P7.9 bilyong ancillary service procurement sa ilalim ng Ancillary Service Procurement Agreement (ASPA), umakyat umano ito sa P13.4 bilyon, P16.6 bilyon at P20.05 bilyon matapos ipatupad ang Reserve Market.

Mula 2023 hanggang 2026, tinatayang umabot na sa P63.5 bilyon ang pinagsamang bayad sa ASPA at Reserve Market.

“Generation remains the biggest component of the electric bill at around 55 to 60 percent. A large portion of ancillary service payments goes to power plants providing reserve capacity,” paliwanag ni Dagooc.

Dahil dito, pormal nitong hiniling sa DOE at ERC na repasuhin ang umiiral na circulars at market rules sa reserve capacity procurement.

Para naman kay Alvarez, dapat tingnan ng Kongreso ang mas malawak na problema sa polisiya at hindi lamang magpokus sa transmission incidents.

Ang pagdinig ay bahagi ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa power disturbance noong Mayo 13 at sunod-sunod na red at yellow alerts sa Luzon at Visayas.

(TINA MENDOZA)

103

Related posts

Leave a Comment