RAPIDO ni PATRICK TULFO
LUMAPIT sa aming programa si Gng. Leonila Mojica Lao upang ihingi ng tulong ang matagal nang nakabinbin na claims niya sa SSS sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Elmer Santos Lao.
Pumanaw sa America si Elmer noong 2018 dahil sa sakit na aneurysm sa New York City sa US at nakapagsumite ng death claim application si Gng. Lao na tinanggap naman ng SSS branch sa Cainta, Rizal noong 2020.
Ayon sa ginang, bumalik siya sa tanggapan ng SSS sa Cainta noong 2021 at nalaman na nagsara na pala ito at siya ay itinuro sa SSS branch sa Marikina City. Pagdating naman nito sa naturang branch ay itinuro naman ito sa Malanday branch sa nasabi ring lungsod.
Dito natagpuan ang application ni Gng. Lao pero tumanggi ang SSS Malanday branch na iproseso ito bagkus ay humingi ng katunayan kay Gng. Leonila na hindi sila nagdiborsyo ng asawa.
Ang ugat ng problemang ito ay nanggaling sa death certificate ng asawa ng ginang na ang nagsulat ng detalye ay ang kapatid nito at inilagay na “divorced” na ito kay Gng. Lao. Mariin namang itinanggi ito sa amin ng ginang nang siya ay makapanayam namin sa aking programa sa DZME noong Miyerkoles.
Hindi raw sila kailanman naghiwalay ng asawa at bilang katunayan ay nauna nga siya dito Amerika at sumunod lang si Elmer. Nagkataong nakabalik na sa bansa si Gng. Lao nang namatay ang asawa.
Galit daw sa kanya ang partidos ng kanyang asawa matapos na pakasalan siya nito sa Manila City Hall noong March 28, 1985.
Nalalabuan naman tayo sa patakaran ng SSS ukol dito kung saan ay sinabi nito kay Gng. Lao na kailangan baguhin daw ang nakalagay sa death certificate ng asawa na divorced na sila.
Hindi naman tinatanggap sa Pilipinas ang divorce papers na galing mula sa ibang bansa at ang mga dokumento lang natin ang binibigyang halaga ng mga opisina tulad ng SSS.
Ang pagkakaalam natin ay mahigpit ang SSS sa claims na hinahabol ng ibang pamilya kung merong magpa-file nito sa kanilang tanggapan bukod pa sa orihinal na pamilya.
Sa katunayan ay may kaso kaming ganyan kung saan ibinigay sa orihinal na asawa ang benefits ng mister nito, matapos na walang maipakitang marriage certificate ang ikalawang asawa kahit na matagal nang hiwalay ang namatay sa orihinal na maybahay.
115 