Tatak BDO: Singilan mabilis, sa reklamo mintis

Siyanong Detektib Ni Lucio S. Papa

MATAPOS natin ibulgar ang sukdulang kagulangan ng isang sikat na banko, muli kong binalikan ang ginang na nagrereklamo.

Pag-amin ng ginang na tawagin na lang natin sa pangalang Salome, wala pa ring aksyon ang Banco De Oro (BDO) sa kanyang hiling na “balance card conversion” na naglalayong tapusin ang pagpapataw ng patong-patong na interes sa sinasabing utang gamit ang BDO platinum credit card.

Saan ka ba naman kasi nakakita ng P200,000 lang ang utang pero ang pilit sinisingil ng BDO tumataginting na P600,000. Talo n’yo pa ang online loan sharks sa pagiging gahaman.

Pahirap kayo sa mga Pilipino.

Ayon kay Salome, buwanan naman siyang nagbabayad ng hindi bababa sa P12,000 para sa P200,000 accumulated purchases gamit ang kanyang BDO credit card sa nakalipas na dalawang taon.

Laking gulat ng ginang na hindi nababawasan ang kanyang bayarin. Ang masaklap, may P400,000 pa ang pilit sinisingil ng BDO. Ipinrisinta rin ng ginang ang buwanang fund transfer ng kanyang pinagbayaran.

Nakipag-ugnayan na rin ang ginang sa BDO gamit ang telepono sa mismong bangko kung saan nakalagak ang kanyang deposito. Hindi na rin umano niya mabilang kung ilang ulit siyang nagpadala ng email sa naturang bangko gayundin sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na may regulatory powers sa credit card ng private banking institutions.

Sa ilalim ng Republic Act 10870 (Philippine Credit Card Industry Regulation Law), mahigpit na ipinagbabawal ang “excessive, undisclosed, or predatory charges.” Pero ang BDO dedma lang na tila may sinasandalan sa pamahalaan.

Pero hanggang ngayon, wala pa ring tugon ang BDO. Ang BSP naman, computer-generated ang sagot.

But wait there’s more, muling nagpadala ng billing statement ang BDO na para sa akin ay may kasama pang pananakot.

Nakagagalit. Sobrang hapit. Nuknukan ang pagka ganid… ‘yan ang tatak BDO!

Habang tumatagal, lalong ibinabaon ng BDO sa obligasyon ang pobreng ginang na una nang nagpahayag ng kahandaan magbayad ng utang — pero hindi higit sa dapat lang niya punuan.

* * *

Sa mga nais dumulog, magreklamo o magbigay impormasyon sa mga paksang may kinalaman sa katiwalian, pang-aabuso at iba pa, mangyaring makipag-ugnayan sa email address: lucioselegnapapa@gmail.com

124

Related posts

Leave a Comment