SCHOOL VIOLENCE, I-REPORT AGAD SA UNIFIED 911 — REMULLA

NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa publiko na agad iulat sa Unified 911 emergency hotline ang anumang banta o usapin hinggil sa planong karahasan, lalo na sa mga paaralan.

Ayon kay Remulla, mahalaga ang maagap na pag-uulat upang mapigilan ang posibleng pag-ulit ng mga insidente ng school violence gaya ng naganap sa Tolosa National High School sa Leyte.

“Ito po ay panawagan ko sa lahat ng mga netizens natin. Kung may makita po kayo na kahit anong threat, or imminent threat, or chatter sa mga group discussions, na mayroong gustong gawing mass shooting or violence to be inflicted, please call 911 and inform us right away,” ani Remulla.

Ang panawagan ay kasunod ng mabilis na pagkilos ng mga awtoridad matapos kumalat online ang isang social media post na nagbabanta ng posibleng pamamaril at pananaksak sa Tolosa National High School.

Batay sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), natunton ang nagbabantang post sa isang 14-anyos na Grade 10 student ng nasabing paaralan na umano’y gumawa ng maraming social media accounts upang ikalat ang mensahe.

Kalaunan ay idineklarang ligtas at secured ang paaralan matapos walang makitang ebidensya ng organisadong plano, kasabwat o access sa mga baril.

Binigyang-diin ni Remulla na dapat seryosohin ang lahat ng ulat ng posibleng karahasan, mapatunayan man o hindi ang mga ito.

“Any threat is considered live until it is neutralized,” diin niya.

“Basta may makita kayong kahit konti man na babala na meron mangyayaring karumal-dumal, magsabi kayo kaagad. Tumawag kayo sa 911, sabihin n’yo kung ano ang nakita ninyo para imbestigahan kaagad,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kalihim, maaaring nakaapekto sa sitwasyon sa Tolosa ang naganap na school shooting sa Tacloban City kaya mahalagang manatiling mapagmatyag ang publiko.

“It will go a long way in stopping a repeat of what happened last Monday,” ani Remulla.

Pinasalamatan din niya si Senator Bam Aquino sa mabilis na pag-alerto sa mga awtoridad kaugnay ng naiulat na banta, na nagbigay-daan sa agarang beripikasyon at aksyon ng mga law enforcer.

(JESSE RUIZ)

87

Related posts

Leave a Comment