BISTADOR ni RUDY SIM
TILA takot na ang karamihan sa travel agencies na tumanggap ng kliyente at magproseso ng mga kaukulang visa ng mga dayuhang nasa bansa matapos ang tila panggigipit at paghuhugas-kamay ng ilang tiwaling tauhan at opisyales ng Bureau of Immigration na may kaugnayan umano sa paggamit ng mga dayuhan sa pangalan ng isang kompanya para lamang makakuha ng working visa.
Matatandaang isang kompanya na Comm Sec ang lumiham sa BI noong nakaraang taon upang ipaalam at ikinagulat ng naturang construction company na may higit isang libong foreign workers ang nakatala sa Department of Labor and Employment na nabigyan ng Alien Employment Permit, ngunit ayon sa kompanya ay nasa 200 lamang ang lehitimong nasa kanilang listahan kung kaya’t ang malaking katanungan ay sino ang nagpalusot at may pananagutan dito?
Sinabi ng ating source na ayon sa kanilang impormasyon ay ilang high ranking officials diumano mula sa BI Legal Division ang may kinalaman sa pagpapalusot ng mga dayuhan na sila rin umano ang nagproseso ngunit tila naghugas-kamay na lamang ngayon matapos mabisto ang kanilang modus. Ito ba ‘yung opisyal at abogado ng BI na laging HOME Alone? Aba teka, kumusta na kaya ang kaso ng ilang kumag na abogado rito sa Legal Division, na mga kinasuhan ni dating DOJ secretary at ngayon ay Ombudsman Boying Remulla, sa maanomalyang 9g working visa na peke ang kompanya at peke rin ang ilang AEP?
Balita natin ay muling nabuhay ang raket ng isa sa mga abogado rito na nakasuhan at ngayon ay humahawak na naman umano ng Temporary Resident Visa ng mga dayuhang Indian national kung kaya’t ang alaga umano nitong liaison officer ng isang law office at reyna umano ng pamemeke ng dokumento na noo’y nahuli, ay naging untouchable ngayon dahil dito kay Kaps? Ang balita natin ay lahat umano ng mga opisyales na puwedeng pakinabangan nitong si alias “Haidee” ay nasulit dahil bukod sa kinuha niyang ninong at ninang ng kanyang anak itong BI officials, ay mahilig din umano itong mag-sponsor para sa tickets abroad at hotel ng mga opisyales na madalas magbiyahe sa Japan, Korea, Hong Kong, Vietnam at maging sa Europe. Kasarap ng buhay ng mga kupal ano!
Kaya pala sa ginagawang imbestigasyon kuno ng BI upang ipa-blacklist ang travel agencies at maging ang mga dayuhan na dumaan sa kanilang kamay at pinakinabangan, ay kanila ngayong ginigipit. Bakit kaya, ubos na ba ang natanggap ninyong paper bag at maleta? Kapansin-pansin din na namumula na naman ang hasang nitong opisyal na si Kaps na nakita umanong may bagong sasakyan na Tesla, na hindi bababa sa tatlong milyong piso ang pinakamababang halaga. Saan kaya galing, sa mga dayuhan na naman o kay Haidee na kagagaling lamang ng Vietnam matapos kumita?
May nakuha tayong listahan na 39 companies ang planong paimbestigahan kuno ng BI sa DOLE upang ipa-blacklist ngunit kahit isa rito ay hindi naisama ang kompanya na ginagamit ni Haidee. Dahil kaya magaling itong magbigay ng pabor sa mga opisyal sa kanilang biyahe sa labas ng bansa?
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
104 