SALAMIN NG NAKATATANDA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA tuwing may kabataang nasasangkot sa karahasan, ito madalas nating marinig: “Ano na ba ang nangyayari sa kabataan ngayon?”

Kadalasan, pagkamuhi ang ibinabalik sa batang nagkasala. Ipreso, bitayin, at kung ano-ano pang mabigat na parusa ang agad naiisip.

Hindi ko inaabswelto ang mga gumagawa ng hindi tama pero siguro kailangan din natin tingnan sa mas malawak na perspektibo bakit ganito na ang mga kabataan ngayon.

Marahil panahon na rin upang itanong natin: “Ano ba ang nakikita ng mga kabataan sa atin?”

Totoo, nakagugulat at nakalulungkot ang mga balita ng karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan ngayon. Mula sa mga suntukan, pananaksak, at ngayon ay mga insidenteng may kinalaman sa baril, tila mas nagiging marahas ang paraan ng ilan sa kanila sa pagharap sa galit, hindi pagkakaunawaan, alitan at bullying.

Subalit hindi nabubuhay ang mga kabataan sa isang vacuum. Ang kanilang mga pananaw, asal at pag-uugali ay nahuhubog ng kanilang nakikita araw-araw—sa tahanan, sa komunidad, sa telebisyon, at lalo na sa social media.

Sabi nga ni Benjamin Franklin, “Train up a child, and there will be no need to punish men.”

Buksan lamang ang anomang social media platform at makikita agad ang isang nakapanlulumong larawan ng ating lipunan. Sa halip na maayos na palitan ng opinyon, madalas ay nauuwi sa murahan, panlalait, pagbabanta at pagkamuhi ang mga diskusyon. Kapag hindi nagustuhan ang opinyon ng iba, agad itong tinatawag na bobo, tanga, mumurahin o kung anu-anong masasakit na salita. Ang iba naman ay tahasang nagbabanta ng pananakit. Meron pang sasabihan kang “magpakamatay ka na lang, bobo!” Wala nang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa.

Ang mas masaklap, marami sa mga gumagawa nito ay hindi mga kabataan kundi matatanda.

Kapag nakikita ng isang bata na normal lamang ang pagmumura at pagbabanta sa taong may ibang pananaw, anong aral ang kanyang natutunan? Kapag ang nakatatanda mismo ang nagsasabing dapat nang patayin ang isang taong pinaghihinalaan pa lamang sa isang krimen kahit wala pang paglilitis at desisyon ng hukuman, anong pagtingin sa buhay at hustisya ang kanilang naipapasa sa susunod na henerasyon?

Hindi maikakaila na may mga magulang at matatanda ring natutuwa, sabi nga pumapalakpak pa kapag may napapatay na pinaghihinalaang kriminal. Para sa kanila, sapat na ang hinala upang ipagkait sa isang tao ang kanyang karapatang mabuhay at dumaan sa tamang proseso ng batas. Kung paulit-ulit na ganito naririnig ng mga kabataan, maaaring mabuo sa kanilang isip na ang dahas ay katanggap-tanggap na paraan upang lutasin ang problema.

Kung tutuusin, ang mga kabataan ay salamin lamang ng mundong kanilang ginagalawan. Kung puno ng galit ang kanilang nakikita, huwag tayong magulat kung galit din ang kanilang matutuhan. Kung dahas ang ating ipinakikita, huwag tayong magtaka kung dahas din ang kanilang gagayahin.

Hindi ito nangangahulugan na walang pananagutan ang mga kabataang gumagawa ng mali. May pananagutan sila sa kanilang mga desisyon. Ngunit bilang mga nakatatanda, may pananagutan din tayo sa kulturang ating nililikha at ipinapasa sa kanila.

Bago natin tuligsain ang kabataang naliligaw ng landas, marahil ay kailangan muna nating tumingin sa salamin. Dahil kung minsan, ang karahasang ating ikinagugulat sa kanila ay repleksyon lamang ng karahasang matagal nang umiiral sa ating lipunan—at sa ating mga sarili.

Kung nais nating magkaroon ng mas mahinahon, mas responsable at mas makataong kabataan, dapat tayong magsimula sa pagiging mabuting halimbawa.

Sapagkat ang mga kabataan ay hindi lamang nakikinig sa ating mga sinasabi. Mas matalas nilang pinagmamasdan ang ating mga ginagawa.

80

Related posts

Leave a Comment