KAILANGAN NA TALAGANG REPASUHIN ANG JUVENILE JUSTICE AND WELFARE ACT

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MAINIT na usapin pa rin ang nangyaring pamamaril sa Tacloban City sa Leyte na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng labing-lima pa.

Marami ngayon ang nanawagan na rebisahin na ang Juvenile Justice and Welfare Act na isinulat ni Sen. Kiko Pangilinan.

Isa sa pinupuntiryang baguhin ay ang edad ng mga kabataan na nasasangkot sa krimen at katulad nga ng panukala ni Sen. Robin Padilla, nais nitong ibaba sa sampung taon ang edad na pwedeng papanagutin sa mga nagkasala sa batas.

Maaaring marami sa atin ay nagpupuyos ang damdamin, lalo na ang mga magulang, pero kinakailangan na pag-aralan ito nang mabuti, halimbawa kung ibabase sa datos ng PNP o barangay, anong edad ba ng kabataan ang may pinakamaraming nahuhuli dahil sa paglabag sa batas?

Anong krimen ba ang kinasasangkutan ng mga ito? Ito dapat ang maging basehan kung paano rerepasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act. Bukod pa sa ibang pamantayan na nakasulat na ngayon sa batas na ito.

Isa pa sa dapat pagtuunan ng pansin ay ang pananagutan ng mga magulang o guardians sa pagkakamali ng mga anak. Ang mga bata bang ito ay galing sa tinatawag na dysfunctional family kung saan wala silang natututunan at maasahan sa mga nagpapalaki sa kanila.

Katulad ng ating naisulat, malaki ang papel ng mga magulang o pamilya sa paghubog ng kanilang mga anak. Paanong lalaking mabuti ang mga bata kung hindi sila gagabayan ng mga nakakatanda sa kanila?

Pwede sigurong kasuhan ang mga magulang na napatunayan na may kapabayaan sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Upang maging babala sa mga ito na maaari silang makulong kapag hindi nagampanan nang tama ang kanilang pagiging mga magulang.

Pwede rin naman na kunin na ng estado o gobyerno ang mga batang napapabayaan ng kanilang mga magulang katulad ng ginagawa sa mauunlad na mga bansa tulad ng Amerika, at ibigay sa mga pwedeng magpalaki sa mga ito, na tinatawag na foster homes.

Pero kailangan pa rin ng masusing pag-aaral dito at baka abusuhin naman ng mga magulang na mahilig lang gumawa ng mga anak pero ayaw ng responsibilidad.

87

Related posts

Leave a Comment