JUVENILE JUSTICE ACT, DAPAT REBISAHIN DAHIL MARAMING BUTAS — SEN. TULFO

DAHIL sa mga ulat ng pagkakasangkot ng mga menor de edad sa mga krimeng karaniwang iniuugnay sa mga nasa hustong gulang, kabilang ang Tacloban high school shooting incident, plano ni Senador Erwin Tulfo na magsagawa ng pulong kasama ang iba’t ibang stakeholders upang repasuhin ang batas na sumasaklaw sa mga batang lumalabag sa batas.

Sa isinagawang MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, sinabi ni Tulfo na nais niyang talakayin ang posibilidad na papanagutin ang mga menor de edad sa mga insidente ng adult crimes at limitahan ang paggamit ng ilang social media platforms ng mga batang edad 12 pababa.

Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangan ng angkop na pasilidad kung saan maaaring ilagak ang mga kabataang nasasangkot sa krimen para sa kanilang rehabilitasyon.

Aniya, maraming butas sa Juvenile Justice and Welfare Act na naisabatas bago pa siya naging senador.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, sinabi ni Tulfo na kailangang magsagawa ng konsultasyon kasama ang mga abogado, piskal, magulang, guro, youth representatives, psychiatrists, Philippine National Police at iba pang stakeholders.

Binalikan ng senador ang kanyang karanasan bilang police reporter kung saan madalas umanong nahihirapan ang mga pulis at piskal sa paghawak ng mga kasong sangkot ang mga menor de edad dahil sa usapin ng discernment.

“Who will say if may discernment o wala? Piskal ba? Social psychologists? Social welfare ba? Kaya kailangan pag-aralang mabuti ang batas ukol sa age of criminal liability para matantiya kung babaan na ba,” ani Tulfo.

Dagdag pa niya na kailangan ding magkaroon ng mga pasilidad tulad ng Youth Reception Center upang maihiwalay ang mga kabataang lumalabag sa batas sa mga ordinaryong kriminal habang sumasailalim sa rehabilitasyon.

“There is a need to thoroughly investigate in aid of legislation by getting the opinions of all stakeholders involved in the issue at hand,” dagdag ng senador.

Suportado rin umano ni Tulfo ang pagtatakda ng limitasyon sa paggamit ng social media ng mga batang 12 taong gulang pababa at ang pagbabawal sa access sa mararahas na online games.

Ayon kay Tulfo, ipinatutupad na rin ang katulad na polisiya sa ibang bansa tulad ng Australia.

(JESSE RUIZ)

97

Related posts

Leave a Comment