SWAK sa kulungan ang isang pahinante na nasangkot sa isang away matapos itong mahulihan ng hinihinalang shabu sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City nitong nakalipas na linggo.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jomark,” 40-anyos, binata, pahinante at residente ng Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Ayon kay Police Staff Sergeant Raymund Fallarme, imbestigador ng Quezon City Police District (QCPD) Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 1-Laloma, dakong alas-7:20 ng gabi noong Hulyo 9 nang madakip ang suspek sa Barangay Hall ng Apolonio Samson.
Sinabi ni Fallarme na nasangkot ang suspek sa isang away matapos umano itong pagbintangang nagnakaw ng pera ng kanyang kapitbahay.
Dinala umano ang magkabilang panig sa tanggapan ng barangay upang pag-ayusin kaugnay ng kanilang hindi pagkakaunawaan.
Gayunman, habang isinasagawa ang pag-uusap sa barangay hall ay nakita umanong itinapon ng suspek mula sa kanyang bulsa ang isang maliit na plastic sachet.
Agad itong pinulot ng isang barangay tanod o Barangay Public Safety Officer (BPSO) at nang suriin ay nadiskubreng naglalaman ito ng hinihinalang shabu.
Dahil dito, agad na inaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.
Kasalukuyan itong nakapiit sa Quezon City Police District at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(PAOLO SANTOS)
139 