KINUMPIRMA ng Malacañang na nagbitiw na sa puwesto si dating Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, idinahilan ni Herbosa kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang kondisyon sa kalusugan.
Sinabi ni Castro na itinalaga ng Pangulo si Dr. Jose S. Pujalte Jr. bilang bagong Kalihim ng Department of Health.
Ayon kay Castro, baon ni Dr. Pujalte ang malawak na karanasan at natatanging pamumuno bilang doktor, hospital administrator, guro at lingkod-bayan na may mahigit tatlong dekada ng karanasan sa pagsusulong ng pampublikong kalusugan.
Tinanggap na rin umano ng Pangulo ang resignation letter ni Herbosa.
Naging bahagi ng DOH si Dr. Pujalte noong 1991 at natapos ang kanyang orthopedic residency sa Philippine Orthopedic Center noong 1994.
Nagtapos si Dr. Pujalte ng kursong medisina sa University of the Philippines College of Medicine at nagtamo ng Master’s Degree in Hospital Administration mula sa Ateneo Graduate School of Business.
Noong 2008, kinilala rin siya bilang Career Executive Service Eligible bilang patunay ng kanyang kakayahan sa larangan ng medisina at public administration.
Nagsilbi rin siyang guro sa University of the Philippines-Manila, FEU Nicanor Reyes Medical Foundation at San Beda College of Medicine.
Sinabi ni Castro na inaasahang pangungunahan ni Dr. Pujalte ang DOH sa pagpapatuloy ng mga hakbang ng administrasyong Marcos upang higit na mapatatag ang healthcare system sa bansa at maisulong ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
Sa ulat, sinabi umano ni Herbosa na kailangan niyang sumailalim sa tatlo hanggang apat na buwang extensive rehabilitation matapos ang isang kamakailang medical procedure.
Aniya, “I find it unfair that I will not be able to devote my full time and effort to important matters of the DOH.”
(CHRISTIAN DALE)
123 