(NI AMIHAN SABILLO)
HULI ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang miyembro ng Daulah Islamiya na sinasabing tangkang manggulo sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ngayong Hulyo.
Mismong si PNP Chief Police General Oscar Albayalde, ang nagbigay ng pagkakilanlan ng mga suspek na dinakip na sina Arnel Cabintoy, alyas Abu Musa’ab at Feliciano Sulayao, alyas Abu Muslim, na parehong balik-Islam na sinasabing mga miyembro ng Daulah Islamiyah Philippines sa ilalim ni Hatib Hajan Sawadjaan na syang tumatayong leader na ng grupo sa ngayon matapos mapaslang ng mga otorodad si Isnilon Hapilon sa Marawi siege.
Nakumpiska sa mga naaresto ang blasting cap at granada na pinaniniwalaang bihasa umano sa paggawa at paggamit ng mga pampasabog.
Nadakip ang mga suspect Sabado ng gabi sa bahagi ng Salaam compound, Tandang Sora, Quezon City.
Bagama’t wala umanong direktang banta na nakikita ang PNP na pananabotahe ng mga ito sa ika-apat na SONA sa July 22.
” Although there is no direct evidence linking them to any terrorist activity in Metro Manila, an investigation is underway to uncover the circumstances surrounding their presence in the city to possibly identify the persons who provided them sanctuary,” pahayag ni Albayalde.
Kasabay nito ang pagtiyak ni Albayalde ng kahandaan ng pulisya sa darating na SONA kung san, tinututukan ang lahat ng mga grupo na posibleng manggulo sa aktibidad kagaya na lamang ng mga grupo mula sa Mindanao.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong Illegal possesion of explosives na ngayon ay nasa kustodiya na ng NCRPO matapos iharap sa Camp Crame, Lunes ng umaga.
142