NAGKAISANG kinondena ng mga mambabatas ang pananakit ng China Coast Guard (CCG) sa dalawang tauhan ng Philippine Navy malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Mariing kinondena ng House Young Guns, na kinabibilangan nina Deputy Speaker Paolo Ortega V, Deputy Speaker Jay Khonghun, Pangasinan Rep. Ernix Dionisio, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang insidente.
“Tinitindigan namin ang karahasan na ito! Hindi ito tama!” pahayag ng grupo.
Ayon sa kanila, hindi dapat maranasan ng sinomang Pilipino ang ganitong uri ng karahasan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa at dapat itigil ng China ang mga mapanganib na hakbang na naglalagay sa panganib ng buhay at kapayapaan sa rehiyon.
Kinondena rin ni Pinoy Workers Party-list Rep. Karl Fernandez Legazpi ang insidente at iginiit na hindi dapat malagay sa panganib ang buhay ng mga Pilipinong sundalo habang ipinagtatanggol ang soberanya ng bansa.
Binanggit din niya ang House Resolution No. 1122 na humihiling ng congressional inquiry sa deployment ng China ng mga floating structure sa loob ng EEZ ng Pilipinas.
Samantala, nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Kongreso na ipagpatuloy ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang maritime agencies upang hindi maiwang bulnerable ang mga frontliner sa pagtatanggol sa karapatang pandagat ng bansa.
Pinuri rin ni Barbers ang disiplina at propesyonalismo ng mga tauhan ng Philippine Navy at hinikayat ang international community na magkaisa sa pagtutol sa mga aksyong nagbabanta sa freedom of navigation at regional stability.
Batay sa ulat, isang rigid-hull inflatable boat ng China Coast Guard na may walong personnel ang lumapit sa BRP Sierra Madre. Sa kasagsagan ng insidente, umano’y hinampas ng isang CCG personnel gamit ang kahoy na baton ang ulo ng isang walang armas na Philippine Navy sailor, na nagdulot ng malubhang sugat at pinsala rin sa rubber boat ng Navy. Sa huling ulat ay may isa pang sundalo ang nasaktan sa insidente.
Nakiisa rin sa pagkondena si Senador Robinhood Padilla. Aniya, ang insidente ay tahasang paglapastangan sa mga sundalong Pilipino at panibagong agresyon sa loob ng karagatang saklaw ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Nanawagan siya sa pamahalaan na gumawa ng mas matatag na hakbang upang maprotektahan ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, papanagutin ang mga responsable, at ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Pinuri rin ni Padilla ang ipinakitang disiplina at pagpipigil ng mga sundalong Pilipino sa kabila ng matinding provokasyon at iginiit na hindi dapat ituring na kahinaan ang hangarin ng Pilipinas para sa kapayapaan.
(TINA MENDOZA/DANG SAMSON-GARCIA)
79 