INANUNSYO ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng mga reklamong kriminal laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pang respondents kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Atty. Mico F. Clavano, ihahain ang reklamong plunder sa ilalim ng Republic Act No. 7080, gayundin ang reklamong paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Sinabi ni Clavano na isasagawa ang paghahain ng mga reklamo matapos ang masusing imbestigasyon ng Ombudsman at pagsasagawa ng preliminary investigation.
Nilinaw naman niya na ang paghahain ng reklamo ay hindi nangangahulugang awtomatikong may pananagutan ang mga respondent.
Aniya, nasa yugto pa lamang ito ng reklamo at tutukuyin pa ng prosekusyon kung sapat ang ebidensya upang maisampa ang kaso sa korte.
Tiniyak din ni Clavano na bibigyan ng pagkakataon sina Romualdez at ang iba pang respondents na magsumite ng kanilang mga paliwanag at depensa bago maresolba ang mga reklamo.
Kapag naisumite na ang kanilang mga sagot, isusumite na ang mga reklamo para sa resolusyon ng panel of prosecutors na magpapasya kung dapat nang ihain ang mga kaso sa kaukulang hukuman.
(JULIET PACOT)
74 