TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI sapat ang maiingay na pagdinig kung ang resulta ay paulit-ulit na kontrobersiya at mabagal na pananagutan.
Kung nais talagang matuldukan ang mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura, kailangang maging maayos at kapani-paniwala ang bawat imbestigasyon.
Sa plano ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Erwin Tulfo na ipatupad ang mas mahigpit na proseso, kabilang ang pagbabawal sa mga “surprise witness” at masusing pagsusuri sa mga affidavit, malinaw ang layunin—siguruhing ang mga ebidensya at testigo ay dumaraan sa tamang proseso.
Masasabing sa ganitong paraan, mababawasan ang pagdududa at mas mapalalakas ang kredibilidad ng mga pagdinig.
Mahalaga rin ang panawagan ni Tulfo na huwag lamang umikot sa parehong mga pangalan at isyu.
Kung may mga bagong impormasyon at panibagong ebidensya, nararapat lamang na mabigyan din ito ng pansin.
Ang tunay na layunin ng imbestigasyon ay ang paglalantad ng katotohanan, hindi ang paglikha ng ingay o palabas.
Higit sa lahat, kapuri-puri ang pagsusulong ng MIND Act na naglalayong magkaroon ng pangmatagalang masterplan sa imprastruktura.
Kapag ang mga proyekto ay nakabatay sa malinaw na plano at hindi sa pulitika, masisiguro ang tuloy-tuloy na kaunlaran at mas maayos na paggamit ng pondo ng bayan.
Ang usapin sa flood control ay hindi lamang tungkol sa pananagutan ng mga sangkot.
Ito rin ay pagkakataon upang baguhin ang sistemang matagal nang pinagmumulan ng problema.
Kung maisasakatuparan ang mga repormang ito, mas malaki ang tsansang mapigilan ang pag-aaksaya ng pondo at maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Aba’y ang hinihingi ng taumbayan ay hindi lamang imbestigasyon kundi konkretong pagbabago.
Kung magiging daan ang mga repormang isinusulong ni Senador Tulfo upang maging mas tapat, mas malinaw at mas epektibo ang paggastos sa imprastruktura, nararapat lamang itong suportahan alang-alang sa kapakanan ng bawat Pilipino.
121 