IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Tanggapan ng Ombudsman ang pagpapasya kung papatawan ng preventive suspension si Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. kasunod ng paghahain ng reklamo laban sa kanya.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nasa hurisdiksyon na ng Ombudsman ang usapin dahil naisampa na rito ang mga reklamo laban sa kalihim.
“Nasa hurisdiksyon na rin po ng Ombudsman kung siya ay kinakailangan na patawan ng preventive suspension para sa mas malinis na pag-iimbestiga sa naturang reklamo,” ani Castro.
Tinanong si Castro kung naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kinakailangang isailalim sa preventive suspension si Pujalte.
Sinabi niya na wala pa siyang natatanggap na impormasyon na nagpapakitang napag-usapan na ng Pangulo at ni Pujalte ang naturang isyu.
Nauna nang inireklamo si Pujalte sa Presidential Complaint Center kaugnay ng umano’y paglalaro nito sa casino at paggamit ng mga alyas upang makapagsugal, na ipinagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan sa ilalim ng Civil Service Commission.
Inihain ang reklamo isang linggo matapos itanggi ni Pujalte ang alegasyong nasangkot siya sa pagsusugal sa isang casino sa Parañaque City.
(CHRISTIAN DALE)
50 