SINAGOT ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang mga akusasyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa pamamagitan ng isang mahabang pahayag sa social media.
Ito ay matapos kwestiyunin umano ni Duterte ang akademikong rekord ni Tarriela sa Philippine Military Academy (PMA) at akusahan siyang tumatanggap ng P10 milyong buwanang ayuda.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Tarriela na tila siya ang pinupuntirya ng kongresista sa halip na ang China, na aniya’y patuloy na nanggigipit sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
“Bakit ako ang kinagagalitan mo, gayong China ang nanggigipit sa mga Pilipino. Parang magkakampi pa kayo — pareho kayo ng linyahan. Pro-China ka ba, Sir?” ani Tarriela.
Mariin din niyang itinanggi ang alegasyong tumatanggap siya ng P10 milyong buwanang ayuda.
“Huwag kang magkalat ng fake news, Honorable Congressman ka pa naman. Walang 10 million akong ‘ayuda’,” dagdag niya.
Binanggit din ni Tarriela ang umano’y P51 bilyon na tinukoy noon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
“Kumusta naman ang P51 billion na binanggit ni Usec Cabral noong nakaraang taon? Naubos na ba? Maraming naghahanap, lalo na’t bumaha na naman sa Davao. Huwag kang mag-alala — kukwestyunin rin ‘yan balang araw. Kamusta na raw sabi ng mga girls sa suki mong tambayan!” ani Tarriela.
Nilinaw rin niya na nananatiling maayos ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China dahil aktibo pa rin ang embahada at mga konsulado ng dalawang bansa, gayundin ang Bilateral Consultation Mechanism na tumatalakay sa mga isyu sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Tarriela na tungkulin niyang ipabatid sa publiko ang tunay na mga pangyayari sa West Philippine Sea at hindi ang magbigay ng sariling interpretasyon sa mga usapin.
“Huwag kang malito: China ang may sariling interpretasyon ng mga insidente, ng UNCLOS, at ng 2016 Arbitral Award — hindi ako. Ang ginagawa ko lang ay ilahad sa publiko ang totoong nangyayari sa WPS. O baka ang gusto mo ay manahimik tayo habang hina-harass tayo ng China?” ani Tarriela.
“Ang pananahimik sa harap ng agresyon ay hindi diplomacy — defeatist mindset iyan na wala na tayong magagawa,” dagdag pa niya.
Pinuna rin ni Tarriela ang umano’y pananahimik ni Duterte sa mga insidenteng kinasangkutan ng mga sundalo, Coast Guard personnel at mga mangingisdang Pilipino na nakaranas ng panggigipit mula sa China.
(JESSE RUIZ)
91 