MAY apat na katao ang iniulat na nasawi sanhi ng magkahiwalay na landslide na naganap bunsod ng tuloy-tuloy na mga pag-ulan dala ng Bagyong Maymay at ng pinalakas na Southwest monsoon o Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.
Ayon kay Diego Agustin Mariano ng Office of Civil Defense, sa inisyal na report na nakarating sa OCD, may dalawang nasawi at isa ang sugatan sa nangyaring landslide sa La Trinidad, Benguet.
Nangyari ang landslide sa La Trinidad bandang alas-9:00 nitong Huwebes ng umaga.
Dalawa rin ang iniulat na nasawi sa naganap na rockslide nitong Huwebes ng tanghali sa Rodriguez, Rizal.
Nabatid na patuloy ang isinasagawang search and rescue at clearing operation sa mga lugar na nagkaroon ng mga pagguho.
“All data are still for validation if incident are TC and Monsoon related, hence not yet included in reports,” paliwanag ng Office of Civil Defense.
Patuloy ang paalala ng OCD sa publiko na mag-ingat, maghanda, at tumutok sa lagay ng panahon at sa mga abiso ng mga awtoridad ngayong panahon ng tag-ulan dulot ng Bagyong Maymay at Habagat (Southwest Monsoon).
Umabot sa halos 24,000 pamilya o mahigit 80,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Maymay at Habagat, ayon sa OCD.
Naitala rin ang mahigit 2,000 pamilya o halos 7,000 katao ang kasalukuyang nasa 39 evacuation centers dulot ng epekto ng bagyong Maymay at Habagat.
Naiulat din ang ilang pantalan na kanselado ang biyahe dahil sa masamang panahon, habang patuloy ang koordinasyon ng tanggapan sa port authorities at lokal na pamahalaan para sa sitwasyon ng mga apektadong biyahero.
Patuloy na binabantayan ng OCD at iba pang ahensya ang lagay ng mga pantalan kung saan naitala ang 396 na pasahero, 33 rolling cargoes, at limang sasakyang pandagat na stranded sa CALABARZON at Region V dahil sa masamang panahon.
Umabot naman sa mahigit P1.3 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong pamilya mula sa lokal na pamahalaan at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na sapat pa ang Quick Response Funds ng pamahalaan sa gitna ng sunod-sunod na sama ng panahon na tumama sa bansa.
Dagdag pa ng OCD, mayroon ding nakahandang pondo ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong at iba pang kinakailangang suporta sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Maymay, nagdaang Bagyong Luis, at Habagat.
Habang may isa pang LPA ang nasa loob na ng PAR ang binabantayan ng NDRRMC kasabay ng mga pag-ulan na nagaganap dulot ng TS Maymay.
Narito ang mga lugar na posibleng makaranas ng pag-ulan dulot ng Bagyong Maymay hanggang ngayon araw ng Biyernes:
Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Nueva Vizcaya.
Inaasahang din ang malakas na pag-ulan dulot ng Habagat (Southwest Monsoon) ngayong araw hanggang bukas ng tanghali sa Zambales, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, at Occidental Mindoro.
(JESSE RUIZ)
86 