HINGGIL SA “CLAIMS” AT “RIGHTS” SA SPRATLYS

SIDEBAR

Matagal nang pinagtatalunan ng mga “claimant countries” ang grupo ng mga isla sa South China Sea (West Philippine Sea sa punto de vista natin) na tinatawag na Spratlys. Ma­liban sa Pilipinas, kabilang sa mga may “claims” sa Spratlys ay ang China, Vietnam, Malaysia at Brunei.

At bago pa man nagkaroon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 1982, nauna ang Pilipinas sa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pag-okupa sa Kalayaan Group of Islands na malapit sa lalawigan ng Palawan noong maagang bahagi ng dekada ’70.

Palibhasa’y isang matalinong abogado, abanteng mag-isip si Marcos at alam niyang para magkaroon ng “rights” ang Pilipinas sa Kalayaan Islands ay kailangan niyang iokupa ang mga isla sa pamamagitan ng paglalagay ng populasyon na isang rekisito para masabing bahagi ng ating national territory ang mga isla.

Nagsimula sa 200 Filipino ang umokupa sa Kalayaan Group of Islands at para pagtibayin ang ating karapatan sa mga isla ay inilabas ni Marcos ang Presidential Decree 1596 noong Hunyo 11, 1978 na nagdedeklarang isang munisipalidad ng Palawan ang Kalayaan Group of Islands.

Siyempre, naglagay rin ng mga sundalo sa isla si Marcos at agad na ipinag-utos ang pagpapagawa ng isang air strip dito kung saan puwedeng mag-landing ang mga C-130 ng Philippine Air Force para magdala ng mga supply sa mga sundalo at mamamayan ng isla.

Sa kasalukuyan ay may mahigit 300 na botante ang Kalayaan na klasipikado bilang 5th class municipality na may annual revenue na halos 60 milyong piso.

Ang naging aksyon ni Marcos sa Kalayaan ay may kinalaman sa pag-agaw ng Vietnam sa Pugad Island na okupado na ng mga sundalong Filipino noong maagang bahagi ng 1970s.

Taong 1975, matapos talunin at palayasin ng North Vietnamese Army ang mga tropang Amerikano sa South Vietnam, naging agresibo ang bagong tatag na Socialist Republic of Vietnam sa pagkuha ng mga isla sa Spratlys.

Nagkataong birthday ng garrison commander sa Parola island na okupado rin ng ating mga sundalo at nagmagandang-loob ang mga sundalong Vietnamese sa kalapit na isla na magdadala sila ng magagandang dilag mula sa Saigon.

Umalis ang mga sundalong Filipino sa Pugad Island para lumipat sa Parola Island kung saan gaganapin ang pagdiriwang at ang inaasahang pagdating ng mga babaeng Vietnamese.

Hindi malinaw kung may mga nakarating na babaeng Vietnamese sa Parola Island pero kinabukasan nang pabalik na ang mga sundalong Filipino sa Pugad Island, la­king-gulat nila nang makitang nakaposte na sa isla ang mga sundalong Vietnamese at nakatutok sa kanila ang kanilang mga machine guns.

Ang kwento ay nagpapatunay na mas agresibo ang mga Vietnamese sa pag-okupa ng mga isla kahit okupado na ito ng ating mga sundalo gaya ng nangyari sa Pugad Island noong 1975.

Gaya ni Marcos noong 1978, ginawa ng China ang mga hakbang para maging “rights” ang kanilang “claims” sa ilang mga isla ng Spratlys at ito ay sa pamamagitan ng pagtatayo sa simula ng mga fishermen’s shelter noong maagang bahagi ng dekada 90.

At nang walang gawing hakbang ang Pilipinas noong mga sumunod na dekada, kanilang inokupa ang iba pang mga isla, nagsagawa ng reklamasyon, nagtayo ng mga istruktura at nilagyan ng mga sundalo para ma­ging ganap ang kanilang okupasyon sa mga isla gaya ng ginawa ni Pangulong Marcos sa Kalayaan islands.

Kung baga sa larong basketball, talo ang koponan na hindi darating sa takdang oras  ng kompetisyon at ito ay tinatawag na “loss by default.” At “loss by default” ang nangyari sa Pilipinas sa Spratlys nang hindi naging agresibo ang mga nagdaang administrasyon sa pag-okupa sa mga naturang isla gaya ng ginawa ni Marcos sa Kalayaan islands noong 1978. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

128

Related posts

Leave a Comment