17 INARESTO SA WELGA SA PABRIKA

welga44

(NI NILOU DEL CARMEN)

NASA 17 manggagawa ang inaresto ng mga pulis matapos sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng mga nagwewelgang mga  trabahador at mga  nagbabantay na security guards sa  NutriAsia plants sa Cabuyao City, Laguna Sabado ng umaga.

Nagsimula ang kaguluhan nang nasa 200 mga manggagawa ay magsimulang magsagawa ng protesta sa harap ng pabrika dakong alas 5:00 ng umaga.

Nananawagan ang mga ito sa pamunuan ng NutriAsia na ipatupad ang kautusan ng regional labor office na pagre-regular sa mga trabahador, ENDO at ang pag-aksyon hinggil sa umano ay paglansag sa mga unyon ng mga manggagawa.

Subalit alas 10:00 ng umaga nang   buwagin ng PNP ang welga at itaboy palayo ang mga raliyista.

Ayon sa Laguna PNP naging marahas ang mga nag-e-strike nang pagbabatuhin ng mga ito ng mga bote, bato at mga   lalagyan na may mga  nakasilid na hot oil at acid ang mga security guard ng pabrika.

Ayon kay Hermie Marasigan, national president ng labor alliance Olalia-Kilusang Mayo Uno, lumabag ang mga pulis sa karapatan ng mga manggagawa dahil wala naman umanong court order ang mga ito para buwagin ang welga.

Ayon naman kay Laguna police director, Col. Eleazar Matta, ideneploy ang mga pulis sa Light Industry and Science Park kung saan naroon ang NurtiAsia matapos isarado ng mga manggagawa ang gate ng pabrika at hindi papasukin ang ibang trabahador na isa aniyang paglabag sa batas.

Ang NutriAsia ang gumagawa at distributor mga  sawsawan at  iba pang mga pampalasa sa pagkain sa Pilipinas kabilang ang Datu Puti, UFC, Mang Tomas, Papa ketsup at iba pang mga brand ng toyo, suka at ketsup.

 

335

Related posts

Leave a Comment