(NI BERNARD TAGUINOD)
MAKIKIALAM na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa problema ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naging dahilan ng kanilang strike noong Lunes.
Sa House Resolution (HR) No. 43 ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa Kamara, inaatasan ng mga ito ang House committee on transportation na busisiin ang problema ng TNVS sa LTFRB partikular na ang pahirapang pagpapareshistro ng mga ito.
Ayon sa nasabing grupo ng mga mambabatas, kailangang makialam na ang mga mambabatas sa problema ng mga TNVS dahil nakataya umano dito ang kabuhayan ng may 45,000 indibidwal.
Maliban dito, malaki umano ang naitutulong ng TNVS para mabawasan ang mga taong walang trabaho at nakakatulong ang mga ito sa kakulangan ng transportasyon sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Gayunpaman, sinabi ng Makabayan bloc sa kanilang resolusyon na imbes na tulungan ang mga TNVS driver at kanilang mga partners ay mistulang pinapahirapan pa ang mga ito ng LTFRB.
“Whereas, the said group reports that the LTFRB has been inconsistent in its procedural policies in term of registration and application processes for the TNVS,” ayon pa sa panukala.
Ito ay dahil pabago-bago umano ang mga inilalabas na requirements ng LTFRB para sa provisional authority at certificate of public convenience kaya nahihirapan ang mga TNVS drivers at operators.
Dahil dito, naikokompromiso na umano ang kabuhayan ng mga TNVS drivers kasaman na ang kanilang mga partners at operators kaya nararapat na umanong mamagitan na rito ang Kongreso.
239