(NI NOEL ABUEL)
ISINUSULONG sa Senado na tapyasan ang singil ng kada text mula piso ay gawing isang sentimo lamang ng mga telecommunications company o telcos.
Sinabi ni Senador Imee Marcos na panahon nang maipako sa isang sentimo ang kada text message sa halip na piso dahil sa matagal na rin namang pinagkakitaan ng mga telcos ang singil sa text.
Inihain ni Marcos ang Senate Resolution No. 6, na hinihikayat ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na agarang magpatupad ng istriktong price ceiling at tapyasan ang presyo ng kada text mula piso ay gawing isang sentimo.
Paliwanag ni Marcos, tama na gawing balanse ang interes ng mga telco provider ngunit dapat na nakasusunod sa global trend para sa mas mabilis subalit murang serbisyo publiko.
Bagama’t inaasahan aniyang sa pagpasok ng ikatlong telecommunications provider sa bansa na na mag-aalok ng mas murang serbisyo kumpara sa Globe at Smart, karapatan pa rin ng publiko na magkaroon ng mas mababang rate para sa text messages.
Ayon kay Marcos, hindi malulugi ang tatlong telco providers kahit pa ipatupad ito sa bansa dahil malaki pa rin ang kanilang kikitain.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Marcos na bagama’t bilyon ang kinikita ng mga telco provider sa bansa mula sa text messaging ay nananatili namang mabagal ang nagagamit na internet speed ng mga Pinoy kumpara sa ibang mga bansa sa Southeast Asia.
168