DAHIL masyado tayong abala sa henerasyon ngayon dahil na rin sa gumagalaw na teknolohiya ay marami sa atin ang hindi makasabay dito. Ang iba ay hirap sa multitasking dahil bumibigay ang utak kapag masyado nang maraming aktibidad ang dapat gampanan. Kaya ang epekto roon, sila ay paisa-isa lang muna ng gawain – at wala rin namang mali rito.
Para sa mga mas gustong tumalas ang isip ay may mga pagkain na maaasahan para rito. Mabuti rin ito para sa inyong mga anak lalo na kung mas kailangan nilang mag-focus sa pag-aaral.
Egg yolks – ang dilaw ng itlog (sa iba ay pula) ay mayroong nutrients na kailangan ng ating utak. Ang dilaw nito ay may choline, isa itong nutrient na mahalaga para sa cognitive development o maayos na galaw ng isipan.
Dark chocolates – hindi lang ito maganda sa heart, maganda rin ito para healthy ang utak dahil sa Flavanols. Mayroon kasi itong anti-inflammatory and antioxidant properties na malaking tulong sa pagdaloy ng dugo mula sa puso papuntang utak.
Salmon – ang omega-3 fatty acids na nasa isdang ito ay mahalaga para maging matalas ang memorya, matuto nang maayos at malayo sa problema dulot ng pagbagal ng galaw ng isipan.
Mabeberde at madadahon na mga gulay – ito ay mula sa kangkong, talbos ng kamote, petsay, at iba pa. Mayaman ang mga ito sa lutein, B-carotene, vitamin E at folate na mahusay para sa brain power. Karamihan sa uri ng gulay na mga ito ay mayaman sa vitamin A at K para sa matalas na memorya at laban sa pamamaga.
Mani – mayroon itong vitamin E, isang mahalagang antioxidant na pumuprotekta sa nervous membranes. Nandito rin ang Thiamine na tulong sa utak at nervous system na kino-convert ang glucose para maging enerhiya. Ang mga mani na ito ay pwedeng almond, walnuts, hazelnuts o kahit pa ang lokal na mani natin. Pwede rin dito ang peanut butter.
Avocado – mayaman ito sa vitamin E na maganda sa skin at mataas ito sa antioxidant bilang vitamin C na makatutulong para malayo tayo sa pagkakaroon ng Alzheimer’s. Panahon ng abokado ngayon kaya’t samantalahin dahil mura rin ito.
Red wine – ang moderate amount nito ay malaking tulong para makaiwas sa Alzheimer’s.
Berries – Ang blueberries, strawberries, at acai berries ay may mga tulong para pumreno tayo at hindi mauwi sa mga age-related cognitive decline o pagkapurol ng utak. Ang mga pagkain kasing ito ay pinipreserba ang natural na galaw ng utak.
Exercise – hindi iyan pagkain, pero mahusay din iyan para maging active ang galaw ng ating utak. Physically at mentally alert ka kapag may regular exercise kang ginagawa. Iba pa rin na may ehersisyo ang katawan. Mas malaking tulong ito kung sasabayan ng tamang pagkain tulad ng mga nabanggit.
